SA nangyaring malagim na aksidenteng sinapit ni dating senador Rene Saguisag at kanyang maybahay, walang ibang dapat sisihin kundi ang Land Transportation Office (LTO) na nag-issue ng lisensiya sa drayber ng dump truck na bumangga sa sasakyan ng mga biktima. Kung ang LTO ay nagiging mahigpit lamang sa pagbibigay o pagre-renew ng mga lisensiya, hindi makalulusot ang mga sira ang ulong drayber na akala yata ay kanila ang kalsada kapag hawak na ang manibela.
Marami nang kasong ganito at marami na rin ang nalagas na buhay dahil lamang sa mga sira ang ulong drayber pero ang LTO ay walang ginagawang hakbang para higpitan ang mga kumukuha ng lisensiya. Marami sa mga drayber ang nakakakuha ng lisensiya kahit na sila ay gumagamit ng shabu o droga. Sa tindi ng katiwalian sa LTO, basta may pera ay makakakuha ng lisensiya ang kahit sino. Kahit na nga ang hindi marunong magbasa ng mga traffic signs at mga kahulugan ng guhit sa kalsada ay maaaring makakuha. Pera lamang ang katapat at ang lisensiya ay makukuha na.
Sa tindi ng pagkakabangga sa gawing kaliwa ng sasakyan ng mga Saguisag, mahuhulaang mabilis ang takbo ng dump truck. Sapol sa gitnang bahagi kung saan ay nakaupo si Mrs. Dulce Saguisag. Dead on arrival sa ospital si Mrs. Saguisag na dating secretary ng DSWD.
May paniwala kami na kahit na naka-stop na ang ilaw ay tutuluy-tuloy pa rin ang dump truck kaya nabangga niya ang sasakyan ng mga Saguisag. Isa ito sa mga masasamang ugali ng mga sira ulong drayber na habulin ang pagpapalit ng ilaw. Kahit na may warning na (dilaw na ilaw) ay pabibilisin pa lalo ang takbo. Hindi nila iniisip na isang malaking aksidente ang kanilang kinakaharap sa maling gawain na iyon.
Sa ulat ng Traffic Management Group (TMG), 578 ang namatay sa 10,628 aksidenteng nangyari mula January hanggang September ng taong ito. Kadalasang dahilan ng aksidente ay pagkakamali ng driver, nagmamaneho ng lasing, pagkasira ng sasakyan at sobrang bilis nang pagpapatakbo.
Masusundan pa ang mga malalagim na aksidente hangga’t ang LTO ay walang tigil sa pag-iisyu ng lisensiya sa mga sira-ulong drayber. Wasakin ang corruption sa LTO para nasa ligtas ang mga matitinong motorista.