IPINAGYAYABANG ng jueteng lord na si Togo Francisco na hindi siya matitinag sa puwesto sa Quezon City dahil nakasandal siya sa FIREMAN na si Pabs Hernandez. ’Kaw na naman? Wala na bang katapusan ’to? Si Aging Lisan naman ng Navotas ang binabanggit ay ang katoto ko na si Ray mond Burgos. Si Aging Lisan kasi ay may kubransa rin sa Quezon City. Pero lumabas sa pananaliksik ko na ang fireman na si Pabs Hernandez ay kilala talaga ni Togo Francisco samantalang si Burgos naman ay hindi kilala si Aging Lisan. Sa tingin ko naman ay hindi magtatagal ang pamamayagpag nitong sina Togo Francisco at Aging Lisan dahil nagdeklara na ng all-out war si PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. laban sa jueteng. At hindi papayag ang mga police officials na may saklaw sa jueteng nina Togo Francisco at Aging Lisan na matigok sila ng “one-strike” policy ni Razon kahit sino pa ang padrino nila, ’di ba Pabs Hernandez Sir? He-he-he! May araw din kayo Togo Francisco at Aging Lisan!
Pero kung nagtagumpay ang pamunuan ni PRO1 director Chief Supt. Pol Bataoil sa kampanya niya laban sa jueteng, taliwas naman ang nangyayari sa area ni PRO2 director Chief Supt. Amito Tolentino. Isinisigaw kasi ng mga operator ng jueteng na sina Nora de Leon ng 1st district ng Isabela at Tony Ong ng 2nd district na si Tolentino mismo ang national management ng jueteng nila. ’Ika nga, si Tolentino ang tagabigay ng lingguhang intelihensiya sa mga operating units ng PNP at DILG, GAB at iba pa. Meron din daw na one percent na kinokolekta sina Sr. Supt. Asuncion at Sgt. Pascual para naman daw ito sa media, lalo na ’yaong naka-base sa Camp Crame.
May balita akong P4 milyon ang kubransa araw-araw ng jueteng nina Tony Ong at Nora de Leon sa probinsiya ni jueteng crusader Gov. Grace Padaca kaya maliwanag na malaki ang kinikita ng tropa ni Tolentino, di ba mga suki? Crusader daw laban sa jueteng si Padaca eh maliwanag na nakain na siya ng sistema. Bakit tahimik ka sa jueteng sa lugar mo Ma’m Padaca? Bulag, pipi at bingi ka na ba kapag jueteng ang pag-uusapan?
Maging sa Cagayan, ang jueteng operator na si Danny Soriano ay si Tolentino rin ang itinuturong nasa likod ng operation niya. Si Soriano ay kapatid ni Dir. Jeff Soriano, ang hepe naman ng directorate for investigation and detective management (DIDM) ng PNP. He-he-he! Kaya kayang supilin ni Tolentino ang jueteng ni Danny Soriano eh mas mataas ang ranggo ng kapatid na si Soriano sa kanya?
Sa Nueva Vizcaya naman, hindi na rin umiimik ang jueteng crusader din na si Bishop Ramon Villena sa negosyo ni Tony Ong din. Siyempre, ang Nueva Vizcaya ay sakop din ng national management ni Tolentino, he-he-he! Paano kaya susupilin ni Razon ang jueteng sa sakop ng classmate niya na si Tolentino?
Kung nagyabang si Bataoil na nasupil niya ang jueteng, tingnan natin. Abangan!