MASAMA ang epekto ng pagkaka-pardon ni President Arroyo kay dating President Erap. Isang linggo lang matapos ma-pardon ay nagkilos namumulitika na ang dating presidente. May medical mission daw sa Tondo pero naghahagis ng kendi sa dinadaanang mga tao. Kasabay ng medical mission ay ang pagsambulat ng balitang magkatambal para sa 2010 si Makati City Mayor Jejomar at Sen. Jinggoy Estrada. Ano ba ito?
At isang araw makaraang sumabog ang magkatambal, biglang nagpakuha ng retrato si Mrs. Arroyo, House Speaker Jose de Venecia at dating President Fidel Ramos. Dati ay inupakan ni JDV si Mrs. Arroyo tungkol sa corruption sa gobyerno. Si FVR naman ay inupakan din si Mrs. Arroyo sa pagkaka-pardon kay Erap. Pero sa isang iglap ay magkakasama na uli sila. Buung-buo na uli sila para sa 2010. Ano ba ito?
Naglalabasan na ang mga hayok sa 2010 presidential elections. Nakikita na ang pagporma na para bang wala na silang ibang nasa isip kundi ang pagtakbo sa 2010. Ano bang nangyayari sa mga pulitikong ito at masyado na yatang mga hayok para tumakbo?
Habang marami ang nalilipasan ng gutom, may mga pinapatay, may dinudukot, may walang matirahan, walang pambili sa ubod nang mahal na gamot at kung anu-ano pa ay tila wala silang pakialam dito. Mas nananaig na sa mga pulitiko ang makapuwesto sa 2010 at wala nang pakialam kung ano ang mga nangyayari sa paligid nila.
Maraming mahihirap ang patuloy na umaasa na mababago ang kanilang buhay. Noong 1998 ay kumandidato si Erap at nangako ng langit sa mga mahihirap. Wala raw sasantuhing kumpare at kaibigan pero hindi natupad. Naakusahan pa ng pandarambong. Pumalit si Mrs. Arroyo na sa bawat SONA ay maraming pangako sa mga nagdarahop ang buhay. Sinabing gumaganda ang ekonomiya at lumago pa. Ang nakapagtataka’y hindi maramdaman ang sinasabing pag-unlad at sandamakmak na balita sa corruption ang umalingasaw.
Ngayon ay marami na naman ang pumuporma. Kahit na matagal pa ang election ay umiikot na, kumakaway na, marami nang praise release sa diyaryo at radyo.
Pakikinggan ba at paniniwalaan ba agad ang mga hayok?