MALI ang political timing ng pag-pardon kay convicted plunderer Joseph Estrada, ani dating president Fidel Ramos. Babagyuhin daw si President Gloria Arroyo, dahil malamang na ibagsak siya ni Erap mula sa puwesto, tulad ng pagbagsak niya dito nu’ng 2001.
Mali ang legal timing ng pardon, wika naman ni Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na umusig kay Erap mula pa 2001. Nu’ng September lang hinatulang guilty si Erap at sinentensiyahan ng habambuhay na bilanggo. Sana raw, ani Villa-Ignacio, hinayaan munang tumanim sa kamalayan ng bansa ang leksiyon: Na maski matataas na pinuno ay makakasuhan at magdurusa kapag nagkasala sa bayan. Kaso mo, hindi raw ito pumasok sa isipan ng madla, dahil sa apurahang pag-pardon ni Arroyo.
Huwag na nating arukin ang motibo ni Arroyo sa pag-pardon. Siya lang ang makakatiyak kung ginawa niya iyon para mabaling ang atensiyon ng madla mula sa mga akusasyon ng bribery at corruption ng kanyang administrasyon. Isipin na lang natin kung ano nga ang epekto ng pardon sa ating kamalayan.
Merong isang babae, nagngangalang Dominga Manalili, dating mababang empleyado ng BIR, na pinaka-unang nahatulan ng plunder. Hanggang ngayon, nakakulong pa rin siya. Marami pang ibang convict na edad-70 tulad ni Erap, na hindi napapagkalooban ng parole o pardon, dahil walang lumalakad ng papeles. At mas marami pang ibang bilanggo na mas mababa ang krimen pero mas matagal nang nakakulong sa selda, ’di tulad ni Erap na “nakapiit” sa malawak na rest house sa bundok. Sa paghahambing natin, malilinang na hindi makatarungan ang pag-pardon. Maaring karmahin si Arroyo ng katulad na pagbagsak ni Erap, batay sa analysis ni Ramos. Pero tama si Villa-Ignacio sa pagsabing masyadong maaga ang pag-pardon kaya mali ang leksiyon sa bansa. Tinuturo sa atin na kapag mayaman at mataas ang puwesto ay makakalusot sa parusa.
Pati mga negosyante ay galit sa pardon. Uunlad lang kasi ang negosyo nila sa ilalim ng Hustisya, hindi sa rehimen ng palakasan.