WALA pa ring resulta ang imbestigasyon kung ano ang sumabog sa Glorietta at kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog. Iba’t iba ang mga anggulong lumalabas ngayon.
Nagtaka ako sa agarang pahayag ni PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. na malamang daw na bomba ang dahilan ng pagsabog. Taliwas naman ito sa sinabi ng FBI na hindi bomba ang dahilan sapagkat walang bakas ng C4 bomb.
May mga nagsabi na ang pagsabog sa Glorietta ay sinadya upang maibaling ang atensiyon ng taumbayan sa mga nangyayaring katiwalian sa Arroyo administration.
Walang ginagawa ang mga opisyal at mga pulitiko kundi magbatuhan ng mga paratang. Habang nagkakagulo, hindi pa rin natatapos ang isyu umano ng suhulan sa Malacanang.
Pumasok na sa senaryo sina Senador Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV. Sabi ng dalawa, ang nangyari sa Glorietta ay bahagi ng Oplan Greenbase upang mabigyan ng emergency powers si President Arroyo para maiwasan niya ang impeachment at manatili sa kanyang puwesto.
Kailangang magkaroon na ng resulta ang imbestigasyon para maiwasan na ang iba’t ibang interpretasyon na nagagamit sa pulitikahan. Kung magaling ang pulisya at military, hindi dapat magtagal ang imbestigasyon.
Hindi naman dapat humalo ang Catholic Bishops Conference of the Philippines at iba pa para hindi gumulo ang eksena. Dapat mag-alay na lamang ng dasal ang CBCP sa mga naging biktima at naulila. Bigyan ng lakas ng loob ang mga naulila na matanggap ang nangyaring trahedya. Maging alerto naman ang mamamayan para maiwasan ang tangka ng mga “halang ang kaluluwa” at “uhaw sa dugo” ng kanilang kapwa.