SUHULAN ang paksa ko nu’ng Lunes at Martes. Suhulan pa rin ang pupuntusan ko ngayon.
Sa pagsimula ng kampanya para sa Sangguniang Kabataan election, muling tinutuligsa ang mga konseho sa barangay ng mga botanteng edad 15 hanggang 17. Kesyo raw masamang ideya ang SK, dahil masyadong maaga tinuturuan ang teenagers ng katiwalian.
Totoong binabayo ng katiwalian ang 41,995 SK sa bansa. Sa bawat isa, may “kontratista” na hinirang ng barangay chairman o treasurer na siyang kumokontrol sa lahat ng pondong panggastos ng SK sa supplies o serbisyo. Siya ang “nagdidikta” kung ano ang mga dapat na proyekto ng SK — kasi kinukumisyonan niya ang mga ito, at pinapartehan siyempre ang patron na chairman o treasurer. Ang mga kauupo pa lang na idealist SK officers ay “pina payuhan” na tanggapin na lang ang kontratista dahil kesyo siya ang nakaaalam ng pasikut-sikot sa paggamit ng pondo, dahil naroon na siya bago pa man sila mahalal, at dahil siya naman ang “tutustos” sa kanilang mga pangangailangan.
Sa madaling salita, ang kontratista sa bawat SK ang nagwawasak sa moralidad ng kabataan — hindi ang konsepto ng SK. Kaya siya dapat ang puntiryahin. Mali ang solusyong alisin na lang ang SK; ang pahiwatig nito ay saka na lang turuan ang kabataan ng katiwalian, kung malaki na sila.
Ang tamang direksiyon ay ihabla ang mga kontratista na panunuhol o, kung hindi natuloy, “corrupting a public official.” Kulong dapat sila nang 20 taon.
Nitong ilang taon, lumala ang katiwalian sa mga SK dahil sa pagpapabaya sa pagtaguyod ng batas. Ang mga SK ay sinu-supervise ng Office of the President. Ginagaya ng mga SK ang asal na Punong Ehekutibo na kalimutan ang batas.
Sa kasong ZTE, inamin ni Romy Neri kay Presidente Arroyo ang umano’y tangkang panunuhol ni Benjamin Abalos nang P200 milyon. Walang ginawa si Arroyo; itinuloy pa ang ZTE deal. Pinamamarisan siya.