Executioner’s privilege
EXECUTIVE Privilege. Depensa sa Hello Garci. Ngayo’y depensa sa ZTE-NBN deal. Sa dalas-dalas na paggamit niya ng executive privilege, namuo na ang paniwala ng tao na laging may itinatago si GMA sa bansa. Ang kawalan ng tiwala ng tao ay basang-basa sa resulta ng mga survey.
Sa mga batas at desisyon ng hukuman sa executive privilege, limitado ang sitwasyon kung saan maaring tanggihan ng Presidente ang kahilingan ng publiko, ng Kongreso at ng Hukuman para sa impormasyon: Kapag kaligtasan at seguridad ng bansa ang nakataya; kung mga international treaties ang pinag-uusapan; at kung sa closed-door Cabinet meetings galing ang impormasyon. Nung ginamit nga ni Nixon ang executive privilege upang itikom ang bibig ng mga alalay sa Watergate investigation sa Amerika, agad nilinaw ng US Supreme Court na mas matimbang ang interes ng bayan sa isang tamang paglalapat ng “criminal justice” kaysa anumang karapatan ng Presidente na ilihim ang kanyang mga komunikasyon.
Sa Hello Garci at sa ZTE-NBN scandal, walang national security issue sa pandaraya sa eleksyon o sa pagsumbong ng panunuhol. Sa katotohana’y parehong konektado sa napakalaking krimen sa bansa ang mga impormasyong ayaw ibulgar ng Palasyo.
Ang executive privilege ay isang karapatang binigay sa Presidente upang malaya nitong magampanan ang sensitibong katungkulan. Ang layon nito’y maitago ang mga sekreto ng gobyerno. Hindi nito intensiyon ang pagtakpan ang krimen. Walang prinsipyo ng batas na nagbibigay laya sa pamahalaan na ilihim ang paglabag sa batas. Maski ang mga doktor at abogado sa pagkonsulta at pari sa pangungumpisal na may “confidential o privileged communication” ay may obligasyong magsumbong sa kinauukulan kapag may magtapat sa kanila ng krimeng naganap. Imbes na pagpatupad sa batas, ang bago na yatang kahulugan ng “Executive” ay berdugo ng batas.
Hindi na kagulat-gulat ang pagwawalang bahala ni GMA sa sumbong ni Sec. Neri tungkol sa suhol sa ZTE-NBN deal. Wala naman kasi siyang nadaramang obligasyon sa tao dahil hindi naman siya ang tunay na binoto nito. Ang nakapagtataka ay ang Senado. Buong akala natin na ito na lang ang institusyong nalalabi para ipagtanggol ang karapatan natin laban sa abuso ng Malacañang. Kung sa Palasyo may Exe-cutive Privilege, sa Senado naman may Executive Session. Pero ibang kuwento na yun. Next time.
- Latest
- Trending




















