Dick “Tador” Gordon
IISA lang ang nakikita kong silbi ng mga televised hearings ng Senado. Nakikilatis natin ang karakter ng mga “honorable” Senators. Sana huwag maging maigsi ang memorya natin at gawing batayan iyan sa pagboto o hindi pagboto sa kanila sa susunod na eleksyon.
May isang nakatatandang Senador na nairita nang ang isang nakababatang mambabatas ay tila “sinapawan” siya. Natural lamang na mangibabaw si Sen. Alan Peter Cayetano porke siya ang chairman ng blue ribbon committee. Hindi ito naibigan ni Gordon kaya nagkaroon sila ng word tussle na nakasira sa imahe ni Gordon porke lumabas siyang pikon. Kaya si Gordon ang talk of the town ngayon kaugnay ng on-going probe ng Senado sa kontrobersya sa national broadband network deal.
Napangalawahan pa ito sa kahiwalay na Senate hearing. Nainis kay Gordon si Commission on Audit chairman Guillermo Carague sa aroganteng estilo ng pagtatanong ng una kaugnay ng hindi pagtanggap ng benepisyo ng halos 2,000 mga guro sa ARMM. Kilala ko si Carague na soft-spoken pero balita ko’y tahasang sinabihan si Gordon na isang “diktador” kasabay ng kanyang pag-walk out sa hearing. Siguro ay walang masamang intensyon si Gordon. Pero I’m sure, questionable ang kanyang estilong may kayabangan ang dating.
Malaking minus point ito para kay Gordon na nauna nang nagpahayag ng intensyong tumakbo sa pagka-pangulo sa 2010. Iyong ibang Senador na “presidentiables” ay walang kagaspangang ipinakita gaya nina Mar Roxas at Loren Legarda. Wala silang bahid ng panlalait sa ini-interrogate nilang mga testigo. Kung tutuusin impressive ang mga pagtatanong ni Roxas lalo na sa aspeto ng relevance o kahalagahan ng pagkakaroon ng isang national broadband network. Tungkol naman kay Senate President Manny Villar, hindi siya masyadong exposed sa broadband probe pero hantad naman ang kanyang personalidad bilang mild mannered at sensible na tao.
Talagang nagnakaw ng rating ang mga eksenang ito sa Senado lalo na nang lait-laitin ni Sen. Miriam Santiago ang mga Chinese na aniya’y inventor ng corruption at nag-walkout sa Senado upang kinabukasan ay humingi lang ng tawad sa mga Chinese pati na sa mga Chinoy sa Pilipinas. Weird people and yet they can get away with it and remain in the limelight!
- Latest
- Trending