NAAPULA ang sunog na lilikhain sana ng ZTE deal. Sinuspinde na ni President Arroyo ang kontrobersiyal na kontrata sa ZTE Corp. noong Biyernes. Nasa kainitan ng paghalukay ang Senado sa $329-milyong kontrata nang ipasya itong suspindehin. Ang inaasam ng taumbayan na makita ang katotohanan ay hindi na mahahalukay.
Ang kontrobersiya sa ZTE ay maihahanay na rin sa mga malalaking isyu noon na hindi na rin nalaman ng taumbayan ang katotohanan. Naging maingay nang hinalungkat pero wala ring kinahantungan.
Sa simula pa lang ng pamumuno ni Mrs. Arroyo noong January 2001 ay mayroon na kaagad lumutang na katiwalian. Ilang buwan pa lamang siya sa puwesto ay sumingaw na ang tungkol sa IMPSA deal kung saan sangkot si dating Justice secretary Hernando Perez na lumagda sa $470-million contract. Inaakusahan si Perez na nang-extort ng $2-million kay Mark Jimenez para lagdaan ang IMPSA contract. Walang nangyari rito.
Malaking isyu rin ang MegaPacific contract kung saan gumastos ang pamahalaan ng P1.3 billion para sa election computerization noong 2004? Pinababawi ng Supreme Court ang pera dahil tadtad ng corruption ang kontrata. Hanggang ngayon walang perang ibinabalik.
Isa sa pinakamahal na kalsada sa mundo ang President Diosdado Macapagal Blvd. na nagkakahalaga ng P1.3 billion? Masyadong overpriced sapagkat ang halaga lamang ng kalsada ay P532.9 million.
Ang fertilizer fund scam (P728-million) ay isa rin sa kontrobersiyang yumanig sa Arroyo administration. Hindi na makita si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “JocJoc” Bolante na inakusahang namahagi ng fertilizer fund sa local officials para siguruhing mananalo si Mrs. Arroyo sa 2004 elections.
Ang “Jose Pidal” case ay yumanig din. Tinukoy ni Sen. Panfilo Lacson si First Gentleman Mike Arroyo na tumanggap ng campaign contributions na nagkakahalaga ng P200-million. Ang pera ay inilagay sa bank account ni “Jose Pidal” na ayon kay Lacson ay si FG.
Nagtapos na nga ang ZTE pero may isa pang minamatyagan — ang Cyber Education Project na kahina-hinala rin ang kontrata at may bahid-anomalya.