Fraternity, ipagbawal na!

SALAMAT naman at kumilos na ang administrasyon ng University of the Philippines. At kumilos nga nang matindi. Hiningan na ng presidente ng UP ang lahat ng fraternity na magpaliwanag kung bakit dapat pa silang payagang manatili sa unibersidad. Bakit nga ba kailangan pa ang fraternity, kung may mga student organizations naman ang bawat paaralan, na wala namang hazing kung may gustong sumali? Talagang kultura na lang ng isang masamang barkada ang mga fraternity. Isang bayolenteng pangkat.

Panahon na para ipagbawal ang mga fraternity sa mga paaralan. Wala na talagang mabuting maidudulot ang   mga ito sa komunidad ng unibersidad. Kung sasabihin nila na marami naman silang natutulong at nagagawa para sa paaralan, eh puwede naman nilang gawin ‘yan bilang isang organisasyon. Hazing lang ang nagpapaiba sa fraternity at organisasyon. Itong mga fraternity na ito ay humahanap lang ng dahilan para manakit ng mga aplikante, para makabawi naman sa pinagdaanan din nila. Kaya wala na ngang katapusan ang hazing. At nasisira na ang pangalan at reputasyon ng UP, na dapat ay paara­lan ng mga iskolar ng  bayan. Samakatuwid, ang mama­mayang Pilipino ang bahagyang nagbabayad ng mga matrikula nito! Eh kung pumapatay lang sila ng tao, eh sumama na lang sila sa mga sundalo at habulin ang mga Abu Sayyaf, kung talagang matatapang sila.

Opinyon at maaaring obserbasyon pa nga ng iba na itong mga gradweyt sa matinding hazing at mga kiniki­lalang mga siga sa mga fraternities ang tumatanda upang maging mga siga rin sa larangan ng negosyo at pulitika.  Marami rin sa kanila ang mga nagiging barkada hanggang sa pagtanda — sa tama at sa mali.  Sila-sila rin ang nag­ta­takipan sa anomalya at pangungurakot.

Napakatatapang sa panlabas pero hanggang ngayon ay wala pa ring lumalantad o humaharap na Sigma Rho upang magbigay ng linaw o magpahayag ukol sa pagka­kapatay kay Cris Mendez. Sa katunayan nga, maaangas pa ang mga pahayag ng fraternity na ito. Marahil ay dahil tumutulong na ang mga bigating alumni nito. Pare-parehong mga criminal kung gayun.  Kung hindi rin sila tutulong upang malutas ang kasong ito, eh may tinatago na nga silang karumal-dumal. Patunay sa kanilang kawalang-awa at hindi pagkatao.

Sana matuluyan na ang mga fraternity na ito. Ilang Cris Mendez pa ba ang hihintayin ng UP bago makum­binsi na wala nang silbi ang fraternity? Kung si Joe Lipa nga ay sinibak ng UP dahil sa wala silang napana­lunang laro ngayong taon sa UAAP, siguro naman dapat sibakin ang Sigma Rho dahil nakapatay na sila ng tao! Heller?

Show comments