Para sa pamunuan ng Far Eastern University
KILALA ang BITAG pagdating sa matinding imbestigahan at sumbungan. Berdugo at walang patawad ang tingin ng nakararami sa aming grupo. Subalit nag-iiba rin ng estilo ang BITAG, lumalawak ang aming pang-unawa sa mga taong dapat tulungan at dapat unawain.
Isang estudyante ng Far Eastern University ang lumapit sa BITAG. Maselan ang kanyang problema at dahil dito, balot siya ng malaking takot at pagkabalisa.
Takot na maaaring kumakalat na sa kaalaman ng karamihan ang itinatago’t pinaka-iingat-ingatang problema.
Problemang hindi niya nagawang ihingi ng tulong sa kanyang mga magulang at kamag-anak at maging sa FEU na kanyang pinapasukan.
Marahil sa tiwala kung paano magtrabaho, sa BITAG siya lumapit. Kaya naman buong ingat namin itong hinahawakan at pinag-aaralan.
Sa kasalukuyan kasi, nangingibabaw kay Jhen na mag-drop o mag-transfer ng ibang paaralan dahil sa takot na kumalat na ang kanyang kinatatakutan sa buong campus.
Kaya’t minarapat ng aming grupo na ilapit sa pamunuan ng Far Eastern University ang maselang problemang ito ni Jhen. Layunin lamang ng BITAG na makakuha ng kasiguraduhang proteksiyon, pang-unawa at assistance na maaaring ibigay ng unibersidad sa sitwasyon ng kanilang estudyante.
Subalit sa halip na tumulong sa inilalapit na problema buong ingat na hinahawakan ng BITAG, ipinapasa pa ito sa iba. Ang siste, sumagot ang opisina ng Vice-President for Academic Affairs sa pamamagitan ng fax letter na mag-file na lang daw ng complaint si Jhen sa Dean ng kolehiyong pinapasukan nito.
Hindi pinag-iisipang maigi ng FEU ang kanilang desisyon sa bagay na inilalapit ng BITAG sa kanila. Unang-una, wala namang reklamo o complaint ang estudyanteng si Jhen na ifa-file kuno sa kanila.
Ang tanging nais ng dalaga ay magkaroon ng siguradong proteksiyon at pang-unawa mula sa kanyang unibersidad na pinapasukan upang mapigilan na kumalat sa nakararami ang bagay na kanyang kinatatakutan.
At kung mangyari man ang nasabing pagkalat ay ano ang maitutulong ng FEU upang hindi siya mahinto sa pag-aaral at mailagay sa sitwasyon ng kahihiyan.
Subalit hindi ito nakita ng FEU na sana’y naging bukas ang kanilang pinto sa pag tanggap at pag-aralang mabuti ang hakbang na gagawin sa mga problemang dapat ingatan tulad nito.
Marunong umintindi ang BITAG sa sinasabi nilang “confidentiality” subalit mukhang ang FEU ang hindi marunong tumanggap sa maseselang problemang tulad nito.
Kaya’t pasimpleng inisnab nito ang pagkatok ng BITAG at ng kanilang estudyanteng nasa bingit na ng malaking kahihiyan.
At paglaon, posibleng magresulta na ito ng mental, emotional at physical destruction sa estudyante.
Nananatiling nakasu baybay ang BITAG sa kasong ito. Abangan!
- Latest
- Trending