IPINAHAYAG ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Calderon na bumalik ang jueteng sa Nueva Ecija, Bulacan, Batangas at Pampanga. Nagpalit daw kasi ang mga lokal na opisyal matapos ang eleksyon noong Mayo. Sinabi ni Calderon na kailangang baguhin ang sistema sa kampanya versus jueteng.
Nakatatawa ang pahayag ni Calderon. Akala siguro niya ay gunggong ang taumbayan na basta na lamang maniniwala. Hindi naman natigil ang jueteng sa mga lugar na sinabi niyang nagsara. Patuloy ang mga kubrador at araw-araw ang bola. May mga extra pang bolahan na ginaganap dahil naghahabol para may pandagdag sa ibibigay nilang pabaon sa mga matataas na opisyal ng PNP na malapit nang mag-retiro. Kaya mahirap paniwalaan na nahinto ang jueteng.
Mahirap nang maipatigil ang jueteng. At siguro, matitigil lamang ito kung ang mga mamamayan ay makapaghahalal ng pinuno na ang iisipin ay ang kapakanan ng nakararami at hindi ang sarili nila lamang.
Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Tingnan kung ang sitwasyon ng Pilipinas ngayon dahil sa klase ng mga namu muno. Hindi sila maaaring pagkatiwalaan. Hindi sila kapuri-puri at kapaki-pakinabang.