BAKIT ba hindi magtugma-tugma ang requirements ng iba’t ibang sangay ng gobyerno sa paglilisensiya?
Halimbawa kung balak mong magtayo ng botika. Kakailanganin mo ng license to operate mula Bureau of Food and Drugs, at mayor’s business permit para mangalakal. Pero ang problema, hahanapan ka ng BFAD ng mayor’s permit bago i-process ang license application, at ang municipal o city hall naman ay hindi kikilos kung wala kang BFAD license. Sa gitna ng pagkahilo mo, mapipilitan kang umupa na ng puwesto, magpagawa ng medicine cabinets, estante, bodega at signages para may maipakitang retrato sa munisipyo, na aabutin nang isang buwan para umandar ang papeles mo.
Kung balak mo ring magtayo ng placement agency para matulungan ang mga kababayan, dadaan ka sa butas ng karayom. Hihingan ka ng Philippine Overseas Employment Administration ng paid-up capital na P2 milyon, at kailangan may presentableng opisina. Pero hindi pa rin aandar ang application mo kung wala kang solidong order mula sa kompanya sa abroad na punuan ang vacancies nila. Ang problema, hindi ka rin naman puwedeng kumuha ng firm placement order kung wala ka pang POEA license.
Gan’un din sa high-tech na negosyong airlines. Kailangan bago ka mag-operate, may lisensiya ka mula sa Civil Aeronautics Board. Hihingan ka nila ng pruweba na meron kang mahigit dalawang aircraft. E bakit ka naman bibili ng bilyon-pisong jets kung wala ka pang airlines license?
Kaya maraming walang trabaho sa Pilipinas ay dahil kulang ang negosyo. Kaya kulang ang negosyo ay dahil sa mga imposibleng requirements ng gobyerno. Bukod pa ru’n ang kinikikil na lagay para umandar ang papeles ng aplikante.
Nu’ng 1989 inorasan ni economist Hernando de Soto ang tagal ng pagkuha ng lisensiya sa Florida: Kalahati hanggang tatlong araw lang, andar na ang negosyo. Ginaya ni Speaker Ramon Mitra ang eksperimento: Tatlong buwan na, nakatiwangwang pa ang itinatayong negosyo.