Buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika
Ito’y kautusang natatak sa bansa;
Dahil sa Tagalog tayo ay nahasa
At sa wikang ito tayo’y dinakila!
Ang wikang Tagalog noo’t hanggang ngayon
Sa loob ng bansa ito ay yumabong;
Nagsimula ito panahon ni Quezon
Dating presidenteng may puso’t marunong!
Noo’y wala tayong wikang nakilala
Sapagka’t marami ay magulo silang
Pilit iginiit ay wikaing iba
Dahil rehionalismo -– nasa isip nila!
Nais ng Ilocos –- wikang Ilokano
Ang sa buong bansa’y pairalin nito;
Gusto ng Bisaya’y Bisayain tayo
At ang Kapampangan kanya rin ang gusto!
Dahil iba-iba wikang ginagamit
Nakawatak-watak ang puso at isip;
Sa maraming pook hindi maisulit
Kung alin ang wikang katangia’y higit!
Sa usaping ito’y agad pumagitna
Si Pangulong Quezon na dinadakila;
Siya ay bumuo ng Lupon ng Wika
Upang saliksikin kung alin ang tama!
Lupo’y nagpasya -– wikaing Tagalog
Ang Wikang Pambansa sa baya’y ihandog;
Sa Luzon, Visayas, sa Mindanao abot
Filipino itong ngayo’y maalindog!
Sa lahat ng lugar malayo’t malapit
Nauunawaan ang Wikang nakamit;
Taga-ibang lupang dito’y nakasapit
Natuto rin silang sa wika’y gumamit!
Kaya pasintabi sa ibang wikain
Wikang Filipino ang ating mahalin;
Huwag pagtangkaang ito’y kalabanin
Upang sa ‘sang Wika tayo’y dakilain!