Pangarap ni Trillanes nalusaw na!
NALUSAW na ang lahat ng pangarap ni Sen. Antonio Trillanes VI sa larangan ng pulitika. Nagdesisyon na kasi si Judge Oscar Pimentel, ng Makati City RTC Branch 148 na manatili si Trillanes sa kanyang selda. Hindi pinayagan ni Pimentel ang kahilingan ni Trillanens na palabasin siya para mag-attend nga ng mga Senate hearings, maging makipagkita sa Senate staff niya at kasama na ang pagbibigay ng interview sa media. Hindi lang ’yan! Binokya din ni Pimentel ang kahilingan ng abogado ni Trillanes na mag-set up ng working area sa kanyang Marine stockade at maging ang paglagay o pag-install ng computer at communication gadgets para makapagtrabaho siya. Ang ibig sabihin ng desisyon ni Pimentel ay susundan ni Trillanes ang mga yapak ni Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos na nanalo nga sa kanyang distrito subalit hindi rin nakapagtrabaho bunga sa kasong hinaharap niya. He-he-he! Ano na naman kaya ang argumento ni Trillanes sa susunod na motion niya?
Ang desisyon ni Pimentel ay nangangahulugan lang na nabawasan na naman ang bilang ng Oppositions sa Senado, di ba Sen. Ping Lacson Sir? At higit sa lahat, naging walang saysay ang pagkapanalo ni Trillanes sa nakaraang election. Kaya kung nangarap ang mga supporters niya, tulad ng NPA, na gamitin si Trillanes para isulong ang kapakanan nila, aba goodbye na rin sa pangarap nila. At sayang na rin ang ginastos ng mga financiers niya sa kandidatura ni Trillanes, di ba mga suki? Gets mo Sen. Jamby Madrigal Ma’m? Ano pa ba ang magagawa sa ngayon ng kampo ni Trillanes para mapansin sila kundi ang mag-iingay. Pero paano nila magawa ’yon bunga sa ayaw nga ni Pimentel na pagbigyan ang kahilingan nila na magkabit ng communication lines sa selda niya? Ano pa ang nakapipigil sa iba pang detention prisoner sa Marine Stockade na humingi rin ng communications lines kung pagbigyan si Trillanes? Anang desisyon pa ni Pimentel.
Kaya’t tama lang na mag-ingay ang kampo ni Trillanes dahil ’yan na lang ang natirang pamamaraan nila. Ano pa ba sa tingin n’yo mga suki ang natitirang option ni Trillanes, eh semplang na ang political option niya? Di ba ang mag-ingay na lang? Kaya nagsisigaw sa ngayon ang kampo ni Trillanes na double standard ang pinaiiral ng mga government prosecutors at ginawang halimbawa pa ang kaso ni dating ARMM Gov. Nur Misuari. Ang argumento ng abogado ni Trillanes, bakit ipina-under house arrest si Misuari sa New Manila at pinayagan pang mangampanya sa Mindanao noong naka raang elections? Subalit sinupla silang muli ni Pimentel sa pagsasabing ang prosecutors ng kaso ni Trillanes ay walang kinalaman sa kaso ni Misuari at maging ang senador mismo ay wala ring kaalaman sa naturang kaso nga.
Kaya sa desisyon ni Pimentel, goodbye na lang sa mga plano ni Trillanes. At lumabas din na hindi kasagutan ang pulitika para sa grupo niyang Oakwood mutineers para alpasan ang mga kasong isinampa laban sa kanila. Abangan!
- Latest
- Trending