LUMALAWAK ang nakikitang mali sa ginagamit na textbooks sa paaralan. At hindi na biro ang pagkakadiskubre sapagkat pati ang mga libro para sa Health Education subject ay marami ring error. Sinabi ni dating Health secretary Jaime Galvez-Tan na sisimulan nang rebyuhin ang mga textbooks sa public elementary at high school para masiguro na walang mali ang mga ito. Tutulong umano ang UNESCO National Commission of the Philippines para maiwasto ang mga mali sa textbooks na kasalukuyang ginagamit ng mga estudyante sa pampublikong paaralan. Saklaw din ng pag-aayos ang mga textbooks na ginamit ilang taon na ang nakararaan.
Ilang taon na ang nakararaan nang biglang sumi ngaw ang tungkol sa mga maling nakasaad sa history book na tadtad ng errors. Ang mga error ay nabuking ng isang school supervisor sa Sauyo, Novaliches at agad siyang nagsagawa ng kampanya para mapigilan ang pag-iimprenta ng mga librong maraming mali. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang nasabing school supervisor sa kanyang kampanya na hanapin ang mga mali sa textbooks na ginagamit ng mga estudyante.
Sabi ni President Arroyo sa isa niyang talumpati, ang magandang edukasyon ang iiwan niya sa mga kabataan. Ito raw ang iiwan niyang legacy. Kasunod nito ay dinagdagan niya ang budget para sa Department of Education (DepEd) kaya ang departamento ang may pinakamalaking budget. Seryoso si Mrs. Arroyo sa kanyang sinabi na magandang edukasyon ang pangarap niya para sa kabataan.
Ang DepEd ang may responsibilidad sa mga librong tadtad ng errors. Sila ang nag-aapruba ng mga ito kaya naman sila rin ang dapat na gumawa ng hakbang kung paano maiiwasan ang mga mali. Hindi biro ang problemang ito sapagkat inihuhulog ang mga kabataang estudyante sa hukay ng kabobohan. Paano makikipagkumpetensiya ang mga kabataang Pinoy sa ibang bansa kung ang kanila palang binabasang libro ay tadtad ng errors. Nakahihiya ito.
Nais ng Presidente na ang iiwan niyang legacy ay ang magkaroon nang magandang edukasyon ang mga kabataang Pinoy. Magkakaroon lamang ito ng katuparan kung ang lahat ng textbooks ay dadaan sa isang masusing pagsisiyasat ng mga ekperto. Hindi dapat makalampas sa paningin ang mga error. Noon pa dapat ito ginawa pero ganoon pa man, maaari pa namang maituwid ang mga pagkakamali at sana’y hindi mag-ningas-kugon sa pagtatama.