GMA pinananagot sa Jonas abduction

SA SUMMIT kontra sa patayan at kidnapang pulitikal ni Chief Justice Reynato Puno, pinag-usapan ang command responsibility — o hanggang kanino kataas na opisyal dapat ipapanagot ang pagdami ng krimen. Ilang araw bago mag-summit, nagsampa si Editha Burgos sa Korte Suprema ng petisyon para papanagutin mismo si Presidente Gloria Arroyo, bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces, sa pagkidnap sa anak na Jonas Burgos. Iinit ang isyung ito sa mga darating na araw.

Mahigit 2,000 taon na ang prinsipyo ng command res­ponsibility. Sinulat ito ni Sun Tzu sa kathang Art of War at sinusunod ito ng militar ng Ancient Greek. Minoderno ang konsepto sa Declaration of St. Petersburg nu’ng 1868 at sa Hague Convention (na pinamunuan ni Czar Nicholas II) nu’ng 1899. Ginamit ito sa Nuremberg Trials ng mga natalong Nazi officers matapos ang World War II, sa Trial ni Yamashita, at sa paglilitis nitong nakaraang dalawang dekada sa mga diktador sa Eastern Europe, South America at Africa.

May tatlong elemento ang command responsibility: (1) ugnayan ng superior at subordinate, (2) alam dapat ng superior ang ginagawa ng subordinate, (3) pinahintulutan o pinawalambahala ng superior ang mali na ginawa ng subordinate.

Ilang nagtalumpati sa summit ang nagsabing pana­nagutan ni Arroyo ang mga patayan at kidnapan na gina­wa ng mga militar dahil siya and Commander-in-Chief nila. Pinasya ng summiteers na iatas kay Arroyo, bilang Commander-in-Chief, ang tungkuling ihinto ang krimen. Labag kasi ito sa basic rights na mabuhay at maging malaya.

Sa petisyon ni Mrs. Burgos, nirereklamo mismo na hindi hinanap ng militar ang nawawalang Jonas, miski napaba­litang mga pormang-sundalo ang mga dumukot dito sa mall sa Quezon City nu’ng Abril. Iginiit din na hindi sinaway ni Arroyo ang kanyang mga heneral sa kawalang-aksiyon. Tiyak na aaksiyunan agad ng Korte Suprema ang petisyon — sino man ang panigan. Ipinahayag ni Puno sa summit na dismayado ang justices sa mga pinunong pulitikal sa hindi pagsugpo sa patayan at kidnapan.

Show comments