NAMAMAYAGPAG na naman ang mga dupang at mga dorobong kawani ng Central Mailing Express Center (CMEC) partikular sa kanilang Express Mailing Service (EMS).
Tuluy-tuloy ang kanilang modus operandi. Ito ay ang pagpupuslit ng mga malalaking packages na naglalaman ng mga imported cell phones , alahas at iba pang mga produkto na hindi na nagbabayad ng buwis sa Customs.
Hindi na ’to bago sa BITAG Investigative Team na patuloy naming sinusubaybayan simula noong 2005. Ito’y matapos lumapit sa amin ang isang asset noong mga panahong iyon, na bibigyan namin ng code name na bloodhound.
Sa maikling salita, buhay na buhay ang smuggling sa loob mismo ng bakuran ng CMEC na nasa ilalim ng pamamahala ng Philippine Post Office.
Masakit man sabihin, walang pakundangan na naiiputan sa bumbunan ang mga bisor at opisyales ng nabanggit na tanggapan kabilang na ang post master general.
May paniwala ang aming bloodhound na nakaplanta sa loob, hindi raw puwedeng “mapindeho” ang mga nasa itaas kung hindi sila kasama sa raket na ito.
Noon pa man, mariing sinabi ng aming bloodhound ang pamamayagpag ng sindikato sa loob mismo ng EMS. Sadya raw dini-develop at pinalalawak ng sindikato ang listahan ng kanilang mga “kliyente” na ginagamit ang EMS sa kanilang smuggling activities.
Hindi puwedeng maisakatuparan ang smuggling kung hindi kasama ang mga kawani ng Customs sa loob ng bakuran ng CMEC. Kasama sila sa mga for the boys.
Ngayong nailantad na ng BITAG ang modus na ito, dapat kabilang na ito sa babantayan ng mga operatiba ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG).
Kamakalawa, isang kartong naglalaman ng humigit-kumulang 30 units na mga “NOKIA N95” cell phones mula sa China ang nasakote ng mga tauhan ni Atty. Edmund Arugay ng NBI at BITAG.
Ito’y matapos maisagawa ang buy-bust operation sa parking lot ng Mall of Asia, Lunes ng gabi. Bunsod ito sa isang reklamong inilapit sa amin ng isang biktima na nakabili ng N95 cell phone na nagkaproblema ang unit.
Nagkakahalaga ng isang milyong piso ang mga nasabing cellphones na ibinenta sa aming BITAG undercover. Ang kanilang entry point ng smuggling, believe it or not, ang EMS ng CMEC sa may domestic airport.
Panoorin ang buong detalye sa BITAG, alas-9 ng gabi ngayong Sabado sa IBC 13.