DIREKTA sa punto ang e-mail na ito ni Pilipino Star NGAYON reader El San Miguel:
“Ngayon pong bago na ang mayor sa Manila at all-out ang plano niya kontra sa illegal na droga, nais ko pong hingin ang tulong niyo upang ipaabot kay Mayor Fred Lim ang hinaing na ito. Bigyan sana niya ng lunas ang matagal nang problema sa Barangay 225 at 226, Tondo — ang laganap na bentahan ng shabu anumang oras ng araw o gabi, anumang araw.
“Ang sentro po ng ‘tiyangge’ ay ang Almeda St. na pinagigitnaan ng Yuseco St. at Tayuman St., at tinutumbok ng eskinitang dead-end ng Herrera St. (tawid canal). Ang eskinita pong ito ay madilim, kaya pinamumugaran halos ng mga pamilyang involved sa bilihan ng shabu. May mga pulis pong tumatangkilik sa mga pamilyang ito at ang ilan ay talagang nakabantay pa sa lugar kung gabi.
“Marami nang beses nag-raid dito ang mga pulis ng Presinto 7 sa Jose Abad Santos Ave., Sub-Presinto 7 sa Tayuman St., at Sub-Presinto sa Alvarez St. miski hindi nila sakop ang lugar). May mga nahuhuli, ngunit wala namang kinakasuhan o nakukulong na may sentensiya. Malaki kasi ang presyo ng bawat ‘ulo’ na, hindi man kayo maniwala, ay umaabot sa P100,000. At dahil dito, ang mga nahuhuli ay ‘tinatarahan’ ng lingguhang ‘lagay.’
“Ang dati pong mayor ay nagpaabot ng plano na palalaparan niya ang Almeda St., tulad ng ginawa niya sa kabilang bahagi ng Almeda sa pagitan ng Tayuman at Quiricada Sts. Lunas daw ito sa problemang aking tinutukoy, ngunit hindi ito natuloy. Ang bahaging silangan ng Almeda ay may 20 metrong laan para sa kalye pero walang titulo sa lupa.
“Kung paano malulutas ang problema sa droga dito sa aming lugar ay kayo na po ang bahalang magpaabot kay Mayor Lim. Lubos po akong nagtitiwala sa inyo, lalo na sa inyong walang takot na pamamahayag.”
* * *
Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).