HINDI lamang imported na karne ang delikadong kainin ngayon kundi pati na rin pala kendi at biscuits. Napatunayan ng Bureau of Food and Drugs Administration (BFAD) na may halong formaldehyde o lalong kilala sa tawag na formalin ang mga kendi at biscuits na galing sa China. Ang formalin ang ginagamit sa pag-embalsamo ng tao para hindi agad mabulok.
Payo ng BFAD sa publiko na huwag bumili ng mga kendi at biscuit na galing China sapagkat hindi ligtas kainin. Isa sa mga kendi na ipinagbabawal bilhin at kainin ay ang White Rabbit. Binantaan ng BFAD ang mga importers at distributors na alisin kaagad ang kanilang mga produkto sa mga supermarket at groceries. Ibabalik lamang daw ang mga ito sa mga pamilihan kapag ligtas nang kainin. Sabi naman ng China, nag-improved na ang quality ng kanilang produkto. Mahigit sa 180 factory ng pagkain at mga kendi ang isinara sa China mula nang kumalat ang balitang nilalagyan ng formalin at iba pang kemikal ang mga pagkain na kanilang ini-export. Sa ibang bansa kung saan dagsa rin ang mga pagkain mula sa China ay may napaulat na namatay. Sa Panama ay mayroon din namatay. Naireport sa United States na pati ang alagang aso at pusa ay may namatay din. Itinuturong dahilan ay ang nakahalong kemikal sa pagkain. Pati ang toothpaste na galing China ay pinaghihinalaan ding may halong kemikal.
Bawal na ang kendi galing sa China. Hindi na maaaring kainin ang White Rabbit at baka malason. Maaaring isipin na baka noon pa man ay may halo nang formalin ang mga kendi at pagkaing galing China at ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataong madiskubre. Paano na lamang ang mga karneng galing China na ipinupuslit sa Bureau of Customs para hindi magbayad ng buwis. Tiyak na may kemikal na inihalo sa karne para hindi agad mabulok. Marami nang nailusot na karne at naibagsak na sa mga pamilihan. Ang mamamayan ang kawawa sapagkat sila ang bumili ng puslit na karne.
Ngayon, walang problema kahit na hindi na magbalik sa pamilihan ang mga kendi at biskuwit galing sa China. Mas maganda kung tatangkilikin ang sariling atin. Mas hamak namang mas masarap at mas malinamnam kaysa White Rabbit ang sariling kendi na gawa rito sa Pilipinas. Ngayon na ang panahon para tangkilikin na ang sariling gawang pagkain at kendi. Siguradong walang formalin at iba pang kemikal na nakalalason. Kending Pinoy na ang bilhin ngayon.