MABIBILANG sa daliri ang mga artistang nanalo sa 2007 elections. At sa nangyari, unang maisasaisip ay nagbago na nga ba ang mga bo tante at naging matalino na? Nagkaroon na sila ng isip?
Isa sa mga artistang nanalo si Batangas governor-elect Vilma Santos. Ang iba pang mga kandidatong artista na tumakbo sa pagka-senador ay hindi sinuwerte. Mababanggit sa mga artista na tumakbong senador sina Tito Sotto, Richard Gomez at Cesar Montaño. Maging sa local position ay may mga hindi rin pinalad na gaya ni Christopher de Leon na tumakbong vice governor ng Bata- ngas. Pero sabi ni De Leon, dinaya siya. Walang ipinagkaiba sa sinabi ng ibang kandidato.
Natuto na nga marahil ang mga botante sa paghahalal ng kandidato. Naisip siguro na hindi porke at sikat ay maaari nang maglingkod sa sambaya-nan. Natuto na rin at ang tiningnan marahil ay ang mahabang karanasan na rin naman ng artista sa paglilingkod. Kung ang kandidatong artista ay ngayon lamang sumabak sa pulitika, maaaring iyon ang tiningnan ng botante. Matalino na nga marahil ang mga botante ngayon.
Maski ang sikat na sikat na boksingerong si Manny Pacquiao ay hindi umubra sa kanyang kalaban. Nakita na hindi porke at sikat ay maaari nang iboto. Nag-isip na mabuti at tinimbang ng taumbayan ang bawat kandidato na isinulat sa kanilang balota. Hindi katulad sa mga nakaraang eleksiyon na basta sikat ay iboboto at bahala na si Batman.
Ang isang masasabing halimbawa nang pag boto na ang kasikatan ang ginawang batayan ay nang mailuklok si dating President Joseph Estra-da noong 1998 elections. Landslide si Estrada at hindi maaaring dayain ang boto. Pero makalipas lamang ang tatlong taon, ang mga taong nagluklok din sa kanya sa puwesto ay nakitang nagmartsa sa EDSA para siya pababain sa puwesto. Isang malaking pagkamamali ang pagboto sa isang artistang nangako na hindi naman natupad ang karamihan sa mga ipinangako.
Nag-iisip na ang mga botante sa kanilang ihahalal. Unti-unti nang nawawala ang karisma ng artista sa publiko at pinatunayan iyan ng nakaraang eleksiyon. Hindi na ubra artistang kandidato sa panahong ito. Iilan na lamang silang handang maglingkod.