PINASOK na rin ng anay ng corruption ang judiciary. Ang nangyayaring ito ay malaki ang epekto sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Sagabal sa hinahangad na pagsulong.
Sa report ng Transparency International (TI) kamakalina, laganap ang corruption sa judiciary sa maraming panig na mundo at kabilang dito ang Pilipinas. Sa kanilang Global Corruption Report 2007 na nakapokus sa judicial corruption, nalalagay sa alanganin ang imahe ng bansa at nawawalan ng tiwala ang mamamayan sa judicial system.
Ang corruption sa mga hukuman ay karaniwan na nga sa Pilipinas. Maraming hoodlums in robes sa mga korte at ang ganito ay tila hindi naman nabibigyan ng pansin ng Kataas-taasang Hukuman. Dahil maraming corrupt na judges, ang mga dapat maparusahan ay nakalalaya at kung sino ang mga walang kasalanan ang nabubulok sa bilangguan. Maraming nasa loob ng bilangguan ang walang kasalanan. Marami rin naman ang nakakulong na walang matibay na kaso pero dahil sa mga corrupt na judges ay maling sistema ng korte, nabubulok na sila sa bilangguan. Mas maraming mahirap ang nakakulong. Paano’y wala silang pambayad sa abogado o kaya’y pansuhol sa corrupt na judge.
Sa report pa ng TI, nakadidismayang malaman na inaabot ng lima hanggang anim na taon bago maresolba ang kaso at anim na taon muli ang hihintayin bago mapunta sa Kataas-taasang Hukuman ang kaso. Wow na wow talaga ang judicial system sa Pilipinas!
Isang magandang halimbawa nang mabagal na pagresolba sa kaso ay ang nangyayari ngayon kay dating President Joseph Estrada na may kasong plunder o pandarambong. Napatalsik si Estrada noong January 2001 at hanggang ngayon ay nakakulong pa rin siya. Hindi alam kung hanggang kailan mareresolba ang kanyang kaso. Usad-pagong ang korte. Mahigit nang anim na taon ang nakalilipas pero walang makitang liwanag.
Noong nakaraang linggo isang judge sa Ma- kati City ang sinuspinde ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno dahil sa pagka-ignorante sa batas. Galit na galit ang Chief Justice sa lady judge. Marami pang katulad niya at dapat silang masibak.
Paano magkakaroon ng tiwala ang taumbayan sa judicial system sa Pilipinas kung ganito ang makikita?