Epektibong labor offices para sa OFWs kailangan

MADALAS, kapag kailangan ng tulong ng ating mga OFWs sa ibang bansa, wala silang madulugan. Saan sila magsusumbong kung sila ay dumaranas ng pang-aabuso? Madalas pa nga, may mga reklamo mula sa ating mga tinatawag na bagong bayani na sila’y hindi pinag-uukulan ng pansin sa ating mga embahada.

Sana’y matupad ni Team Unity Senatorial bet Tito Sotto ang kanyang pangako kung papalaring muling mahalal sa Senado. Aniya, magpapatibay siya ng batas na magsasaayos sa mga labor offices sa mga embahada at consulates ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa. Malaking tulong ito para mas matugunan ang mga problemang kinakaharap ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Sotto, noon pa man ay isa na sa kanyang pinagtutuunan ng pansin ang sektor ng paggawa at dapat bigyang prioridad.

Base sa estadistika ng Philippine Overseas Employment Administration o POEA, mayroong humigit kumulang na walong milyong Pilipino sa ibang bansa. Mahigit kalahati dito ay mga temporary migrants. Noon nakaraang taon, humigit kumulang na isang milyong OFWs ang nangibang bansa.

Kailangang protektahan ang ating mga OFWs. Kaya nagtatag ng mga embahada at konsulada ay hindi lamang sa pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa kundi para sa proteksyon ng mga Pilipinong naroroon.

Ayon kay Sotto dapat palakihin at dagdagan ang mga ito upang mas makatugon sa ating mga kababayan. Tama. The more labor offices, mas mainam porke lumolobo ang bilang ng mga Pilipinong nandarayuhan sa ibang bansa.

Sabi pa ni Sotto, Sa ganoong paraan, mas matututukan ang mga problema at iba pang mga pangangailangan ng mga OFWs.

Araw-araw ay may mga 3,000 Pilipino ang umaalis patungo sa ibang bansa para magtrabaho doon. Karamihan sa mga ito ay nagpupunta sa Middle East, Hong Kong at Taiwan.

Ani Sotto, Isa sa bawat dalawang pamilyang Pilipino ay may kaanak na nagtratrabaho abroad. Ang kanilang mga hinaing ay dapat talagang pagtuunan ng pansin.

Show comments