Unang araw ng absentee voting noong Sabado at walang kabuhay-buhay ang lahat. Nilangaw ang mga presinto sa mga embahada na pagdarausan ng botohan. Umano’y may kabuuang 88 foreign voting centers para sa mga OFW.
Sa Riyadh, Saudi Arabia, ayon sa report ay nilangaw ang voting center doon. Sa daang libong OFWs sa Saudi, mangilan-ngilan lamang ang nagsiboto at karamihan dito ay yung mga lider lamang ng mga organization doon. Mas marami pa umano ang langaw na nagpunta sa embahada sa Riyadh kaysa boboto. Isang problema ay napakalayo ng Diplomatic Quarter na kinaroroonan ng embahada na pagdarausan ng botohan.
Sa Hong Kong, 209 OFWs lamang ang bumoto noong Sabado gayong mahigit 96,000 ang Pinoy doon.
Isa sa mga problema na ang Comelec ang sini-sisi ay hindi updated ang pangalan ng mga kandidato. Umano’y nasa talaan pa rin ang pangalan ni Joselito P. Cayetano na kapangalan ni senatorial candidate Alan Peter Cayetano. Inalis na ang pangalan ni Joselito noon pa pero ang ipinadala pa ring kopya para sa absentee voting ay ang luma pa ring listahan. Anong ginagawa ng Comelec sa problemang ito? Masyado na ba ang pagiging abala nila sa ibang bagay gaya nang mabilisang pag-aapruba sa mga kandidato ng party-list?
Maraming problemang umuusbong sa overseas absentee voting at hindi malayong magkaroon din ng dayaan dito. Walang magandang magagawa rito kundi itigil na ang ganitong sistema sapagkat sa-yang lang ang pera at pagod. Marami rin lang OFW ang tila walang interes dito.