Ngayong araw na ito ay ipinagdiriwang ang Muling Pagkabuhay ni Jesus at ang kahulugan ng pagkabuhay na ito ay ang walang hanggang pag-asa. Isang bagong pag-asa ang hatid ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Mula sa pagpapakahirap at pagkamatay sa krus, isang bagong buhay ang isinilang.
Maraming nagugutom at nauuhaw ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) pero sabi ni President Arroyo lulunasan ang pagkagutom at naglaan na ng P1 bilyong pondo. Pinakilos na ang mga ahensiya ng pamahalaan para sa kampanyang "pakainin ang mga nagugutom". Marami ang umaasa sa pangakong ito ng Presidente. Inaasahan nilang hindi ito mapapako na karaniwang ginagawa ng mga pulitiko.
Marami ang mga maysakit sa maraming bahagi ng Pilipinas, lalo pa sa Mindanao. Malaki rin ang kanilang pag-asa, na makatitikim sila ng gamot at maihahatid sa ospital para madugtungan ang buhay. Malaki ang kanilang paniniwala na maririnig at madadama ng pamahalaan ang kanilang hinaing na tulungan sila. Matagal nang naghihirap ang maraming kapus-palad at umaasa silang mararanasan din ang umunlad.
Marami rin naman ang umaasa na ang mga nawalang anak, kapatid o kamag-anak na pinagsususpetsahang dinukot ng military ay muling matatagpuan. Hindi sila nawawalan ng pag-asa na isang araw, muling lulutang kahit ang bangkay ng nawawala para matahimik na ang kanilang isipan. Muling binuhay ni Mrs. Arroyo ang Melo Commission para imbestigahan ang mga pagpatay sa mga aktibista at miyembro ng media. Marami ang nakahihinga nang maluwag sapagkat makakakamit din ng hustisya ang mga tumimbuwang dahil sa bala.
Ang hatid ng Muling Pagkabuhay ay bagong Pag-asa. Magsaya tayo sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus.