Ang nangyaring pag-hostage ni Armando Ducat sa mahigit 20 estudyante sa day care center noong nakaraang Miyerkules ay hindi na bago sa Pilipinas. Marami nang paghohostage na naganap. Ilang taon na ang nakararaan, isang hostage-drama ang naganap sa isang bus station sa Pasay City. Isang bata ang hinostage ng isang lalaki. Tinutukan ito ng patalim sa leeg. Nang makakita ng tiyempo ang mga pulis, pinutukan ang suspect. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspect at namatay. Pero tinamaan din ang batang hostage at namatay din.
Sa hostage-drama na iyon ay nagpakita ng "kabobohan" ang mga pulis Pasay. Saan naman nakakita na hindi nila nakontrol ang dami ng mga usisero. Mas marami pa ang usisero kaysa mga pulis. Hindi nagawang itaboy para makagawa sila ng diskarte sa nangyayaring sitwasyon. Ang kapalpakan sa hostage-drama na iyon ang naging dahilan para masibak ang hepe ng Pasay police.
Ang hostage-drama ay naulit uli noong Miyerkules nang i-hostage ni Jun Ducat ang mga batang mag-aaral habang patungo sa Tagaytay kaugnay sa kanilang field trip. Demand ni Ducat ang libreng bahay at pag-aaral ng kanyang mag-aaral. Si Ducat ay may-ari ng day care center.
At nakita na naman ang kapalpakan ng PNP sa pagkakataong iyon. Sampung oras na hinostage ni Ducat ang mga bata at walang nagawa ang Manila Police Department (MPD) kung paano kokontrolin ang sitwasyon. Nagdagsaan ang mga usisero na halos makalapit na sa bus. Paano kung nairita ang hostage-taker na si Ducat at alisin ang pin ng granada at pasabugin sa bus. O kaya ay biglang mamaril ng hawak na Uzi. Kung nagkaganoon, tiyak na balitang-balita na naman ang Pilipinas.
Agad sinibak ni DILG Sec. Puno ang hepe ng MPD pero agad din naman itong binawi. Mabuti ang naisip ng PNP na idaan sa retraining ang kanilang mga tauhan para hindi naman kahiya-hiya. Dapat noon pa nila ito ginawa.