Maganda ring sigurong isailalim taun-taon ang mga bagitong pulis sa isang Neuro-Psycho Test para malaman kung nasa tamang isipan ang mga ito para gampanan ang kanilang tungkulin. Mga bagitong pulis na dahil nabigyan ng baril, uniporme at tsapa ay sa halip na ang ating mga kababayan na nagbabayad ng kanilang sweldo dahil sa mga buwis na binabayaran natin upang ipagtanggol tayo sa mga masasamang elemento sa lipunan tayo pa ang kanilang pinagmamamalupitan. Hindi ko naman nilalahat ang mga bagitong pulis dahil marami pa rin sa kanila ay puno pa rin ng "idealism, patriotism at advocacy" na labanan ang mga criminal. Ang iba riyan ang nakain na ba ng bulok na sistema? Nagtatanong lang.
Nagsadya sa aming tanggapan si Ramon Valencia ng San Juan, Metro Manila upang humingi ng tulong hinggil sa kasong pagpaslang sa kanyang anak ng isang alagad ng batas.
Magkapitbahay lamang ang mga Valencia at ang mga Corcino. Halos magkababata ang biktimang si Raymond Valencia at ang suspek na si PO2 Alexander Corcino. Nagalit si PO2 Corcino sa pamilya ng Valencia matapos siyang mapasuspinde nito dahil sa reklamong "Grave Misconduct" laban dito.
Nakaaway ni Ronald Valencia ang kapatid ni PO2 Corcino, si Guilnaldo Corcino. Nang malaman ito ng pamilya ni Ronald ay agad naman nitong pinuntahan ng kanyang ina, si Amelia at kapatid na si Rochelle. Nakita ng dalawa na hindi man lang umaawat si PO2 Corcino sa nag-aaway na sina Ronald at Guilnaldo. Ang ginawa pa nito ay hinarang pa raw nito si Amelia upang hindi makalapit sa anak. Pagkatapos noon ay umalis na ang magkapatid kaya naman nagulat na lamang sila na sa pagbalik nito ay may sugat na si Guilnaldo.
Matapos ang nangyaring insidente, hinuli ni PO2 Corcino si Ronald para sa kasong Attempted Homicide habang si Rochelle naman para sa kasong Direct Assault. Sa nangyari ‘yun labis na kahihiyan ang idinulot kay Rochelle dahilan para hindi na ito makapagpatuloy sa kanyang pag-aaral.
Nagsampa ng administrative case laban kay PO2 Corcino, Grave Misconduct dahil sa nangyaring insidente sa PLEB, San Juan, Metro Manila. Pinaboran naman ang pamilya Valencia sa kasong kanilang isinampa dahilan para masuspinde ang suspek ng tatlong buwan. Ikinagalit ni PO2 Corcino ang naging desisyon ng PLEB. Nagfile ito ng Motion for Reconsideration.
"Magmula noon lagi na siyang tumatapat sa amin dala-dala ang kanyang baril na parang nananakot ito. Madalas din niyang sabihin sa ilang kapitbahay na ‘Kapag bumawi ako, sobra-sobra’ kaya naman sinabihan ko ang mga anak ko na mag-ingat," kuwento ni Ramon.
Minsang umawat sa away si Raymond kaya naman ng makita ito ni PO2 Corcino ay nakialam din ito hanggang sa magpang-abot ang dalawa. Nagsampa ng kasong Serious Physical Injuries si PO2 Corcino laban kay Raymond subalit nadismiss ang kasong ito.
Ika-27 ng Oktubre 2005 nagpunta si Raymond sa bahay ng kaibigan, si Alvin Argolloso dahil birthday ng kapatid nito. Bandang alas-7:30 ng gabi nang magpaalam na ito na uuwi na sa kanila dahil darating na ang kanyang asawa, si Marina. Lumabas na si Raymond kasama ang kaibigang si Alvin at nagpasama pa itong bumili ng barbecue para ipang-ulam.
Dumaan ang dalawa sa basketball court na noon ay may naglalaro ng valleyball. Hindi nila alam na naroon pala ang asawa ni PO2 Corcino. Nang maluto na ang barbecue ay umuwi na ang dalawa. Ilang saglit pa lamang ay may narinig na silang paparating na scooter kung saan si PO2 Corcino ang may dala-dala nito.
Hinarang nito sina Alvin at Raymond at pagkatapos ay tinanong ang huli ni PO2 Corcino kung ano ang kanyang problema hanggang sa mauwi sa pagtatalo ito. Sinubukan ni Alvin na awatin ang dalawa subalit bumunot ng baril si PO2 Corcino. Ipinarada nito ang kanyang scooter at pagkatapos ay binunot nito ang kanyang baril kaya naman nagmakaawa pa ito sa kanya na hindi siya lalaban dahil may baril ito.
Pagtalikod ng biktima saka siya binaril ng suspek hanggang sa bumulagta ito sa semento. Hindi pa ito nakuntento sa dalawang beses na pamamaril niya ay muli pa nitong pinaputukan si Raymond.
"Sinabi pa nga raw nitong si PO2 Corcino na ‘Papatayin na kita, ipakulong n’yo na lang ako’ at minura pa nito ang anak ko," sabi ni Ramon.
Matapos ang ginawang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek sa pinangyarihan ng krimen. Samantala dinala naman si Raymond sa ospital upang malapatan ng karampatang lunas ang tinamo nitong sugat. Nagsampa rin ng kasong Frustrated Murder ang pamilya Valencia laban kay PO2 Corcino. Malala ang mga tama ng bala na tinamo ni Raymond kaya makalipas ang mahigit isang buwan sa ospital ay binawian na rin ito ng buhay.
Mula sa kasong Frustrated Murder ay inamyendahan ito sa kasong Homicide. Sa resolution ni Prosecutor La Verne Jarollina ng Rizal Provincial Prosecutor’s Office ay na-downgrade ito sa kasong Homicide.
Paano naman nangyari ito Prosecutor Jarollina? Normally, kapag inaamend ang demanda dahil namatay ang biktima mula sa Frustrated Murder nagiging Murder kapag namatay ang biktima.
Sa ngayon ay nagtatago na ang suspek na si PO2 Alexander Corcino. Hangad ng pamilya Valencia na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Raymond. Umaasa silang mapapatawan ng mabigat na parusa ang suspek na ito.
NANGAKO NAMAN si Sec. Raul Gonzalez ng DOJ na ipakukuha niya ang records ng kaso upang malaman kung bakit ganito ang nangyari. Sana may maganda kang dahilan Prosecutor Jarollina. Antabayanan n’yo ang mga susunod na pangyayari.
Para sa anumang impormasyon na makapagbibigay-alam sa kinaroroonan ng mga suspek maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com