Heto kasi. Ayaw papasukin ng Dasma security guards si Nucum sa exclusive subdivision para mag-apply ng visa sa Nigerian embassy. Ilang beses na siya nagpabalik-balik at nakiusap, walang nangyari. May bago kasing homeowners’ association officer na namamahala sa security. Naglabas ito ng Security Memo Circular No. 07-01, inaatasan lahat ng embassy sa subdivision na i-fax muna sa security office ang pangalan ng lahat ng visa applicants bago sila palusutin sa village gate. Nang sabihin ni Nucum na maaring hindi alam ng embassy kung sino ang tutungo sa kanila para mag-apply, sagot ng security chief na hindi niya problema ‘yon. At nang sabihin din na kalabisan na ang bagong security rule, sagot din ay "e di umalis na lang ang embassies dito."
Palagay ko’y ugaling manhid ang ipinamamalas ng bagong security director. Komo mayaman siya at nakatira sa exclusive subdivision, wala na siyang pakialam sa mga naghihirap sa labas. Manhid din ang mga guwardiya, na animo’y hindi nanggaling sa mga hikahos na komunidad sa probinsiya. Approved without thinking sila sa utos ng director, imbis na gawan ng paraan na mapadali ang visa applications.
Halimbawa, maaaring maglagay ng drop box sa subdivision gate para sa visa applicants. Tapos, magpapa-schedule na lang ng interview, at ipa-fax ang pangalan nila sa takdang petsa. O kaya, kung may isip ang consul, umupa sana sila ng call center at P.O. Box para sa applications at interview schedules.
Masama itong may sariling batas ang Dasma na manhid sa madla.