Tinutukoy niya ang sambayanan, lalo na ang masang Pilipino kung kanino utang ng bawa’t opisyal ang kanilang katungkulan kasama na ang suweldo at anumang pribilehiyo karugtong ng posisyon.
Ito rin po ang lagi kong komento pagdating sa mga malalaking karatula na nagsasabing proyekto ito bigay ng isang lider, halal man o hindi. After all, lagi kong sinasabi na ang salaping pinanggagastos dito, ultimo ang mga karatulang nag-aanunsyo rito ay kinuha sa kabang bayan.
Iyan po ang dapat nating alalahanin ngayong panahon ng election. Hindi natin talaga dapat piliin ang sinumang ang pakiramdam sa posisyon ay pag-aari at pinamamana o di kaya’y gagawa ng desisyon hindi para sa kapakanan ng sambayan kung hindi para sa sariling bulsa o di kaya’y para sa sariling pamilya.
Tandaan natin iyan at alalahanin na ang boto natin ay pangalagaan at hindi dapat ipagbili.
Dahilan po niyan ay may ilang sector ang inaanyayahan akong pumasok sa larangan ng pulitika sa pamamagitan ng pagtakbo bilang konsehal ng Maynila.
Gaya ng ginawa ko nang manungkulan bilang pinuno ng Human Settlement Development Corporation at Philippine Tourism Authority ay pinag-aralan ko munang maigi upang tiyakin kung may maitutulong ba ako at may magagawang kabutihan para sa sambayanan.
Sa panunungkulan ko sa HSDC ay nakalikom nang mahigit P400 million para sa bayan sa loob lamang ng humigit kumulang isang taong panunungkulan. Bukod pa rito ang award na tinamo ko sa Spain kung saan kasama ako ng 50 na ibang government corporation sa iba’t ibang bansa na ginawaran ng parangal.
Hindi ko lamang po maintindihan kung saan napunta ang perang iniwan ko na dapat sana ay nagamit sa mga tamang proyekto ng gobyerno at napalago muli. Nilimas ito ng magagaling na tinalaga diyan ng Malacañang.
Sa PTA naman po, pinagpatuloy ko ang maraming mga proyektong iniwan ni Lito Banayo na concurrent Presidential Adviser for Political Affairs ni dating President Joseph "Erap" Estrada at tagapagsalita ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.
Inangat ko rin ang serbisyo ng naturang opisina kaya ang sinumang nais kumuha ng travel tax exemption ay maghihintay lamang ng 15 minutes. Pinagyayabang ko rin ho na nagawa kong iangat lalo ang pagiging epektibo ng mga empleyado ng naturang opisina sa pamamagitan ng pagdaragdag ng parehas na promotion at suweldo at iba pang benepisyo sa kanilang lahat.
Ito marahil ang dahilan kung bakit nag-protesta ang mga empleyado nang pilit akong alisin ni Madam Senyora Donya Gloria sa puwesto kahit na malinaw na mayroon akong fix term of office. Anim na buwan hong lumaban ang mga empleyado diyan.
Sa pamumuno ko ng dalawang opisina, wala ho akong bahid ng corruption at malinis ang aking konsyensya na hindi ko pinakain ang aking pamilya ng galing sa nakaw
Anyway, aaminin kong lubos akong nag-iisip at magdedesisyon bago po ang deadline sa March 29 ng filing of certificate of candidacy.
Kung sakaling tumuloy ako, ang mga bagay po na tiyak ay sasama ako sa oposisyon –- ibig sabihin sa ticket ni Sen. Alfredo S. Lim at Lito Banayo na pawang tatakbo bilang mayor at vice mayor at kay Congresswomen Naida Angping na siya namang kandidato para kongresista.
Marahil magtatanong kayo, bakit sa ticket nila, simple lang ho ito, sila po ang nasa oposisyon at ito po ang inendorsong ticket ni dating President Erap. Pangalawa po ay naniniwala ako sa plataporma nila at kakayahan nilang maglingkod pero higit sa lahat bilib ako sa sinseridad ng tatlong ito.
Matagal ko na pong kilala si Sen. Lim, hindi pa ho siya heneral kilala ko na siya dahil nag-cover nga ako ng police beat noon dito sa Maynila. Ganoon din ho kay Lito Banayo, may puso hindi lamang para sa kaibigan ang taong ito kung hindi para sa mahihirap dahil kahit paano naman ay nakaranas din siya sa kahirapan noong panahon ng kanyang kabataan.
Kay Naida Angping naman, simple lamang po, kahit wala sila sa posisyon at nadaya, patuloy ang serbisyong binibigay nilang mag-asawa sa ating mga kapitbahay at kababayan sa third district ng Manila.
Kay retired Colonel Perry Herrera naman na desidido nang tumakbong konsehal, may prinsipyong tao iyan at kagaya ni Sen. Lim galing sa panahon na ginagalang at nirerespeto ang mga pulis.
Anyway, malalaman n’yo ang desisyon ko sa susunod na column. Sa mga taga-ikatlong distrito, text ho kayo ng opinion n’yo at mahalaga ho ito dahil anuman ang desisyon ko ay nakasalalay sa inyo. Aaminin kong tinitimbang ko maigi kung susulong ako sa pulitika o hindi.
Bigay n’yo lamang po ang buong pangalan at address at i-text sa 09272654341.
Siyanga pala, salamat nang marami diyan sa mga taga-Real Junkshop lalo na kina Aiza, Benny, Ramon at Albert Sagum. Kulang ang araw nila kung walang PILIPINO STAR NGAYON.