Matagal na rin daw nagkayari ang mga Recto at Executive Eduardo Ermita na tatakbo na lamang si Ricky bilang kongresista sapagkat alam din nitong hindi siya mananalo kung siya ang lalaban kay reelectionist Gov. Armand Sanchez. Lumilitaw sa survey maliban sa clamor ng mga nakakaraming mayors at local officials ng lalawigan na tanging si Ate Vi lamang ang puwedeng itapat sa maimpluwensiya at makuwartang gobernador.
Bilang isang Batangueño, natutuwa ako na si Vilma Santos ang napiling ilaban kay Sanchez. Subok na ang galing niya sa pamamahala ng walang kabulastugan na karaniwan nang sakit ng mga opisyal ng pamahalaan. Naniniwala ako na sa pamamagitan ni Vi, malaki ang pag-asa ng Batangas na maging isang kapuri-puri at maipagmamalaking lalawigan sa buong bansa.
Sana ay si Vi na nga ang kasagutan para umangat na ang Batangas sa matagal nang pagkakalugmok nito. Dapat ay nangunguna na ang Batangas sa pagkaka-roon ng mayabong na ekonomiya at asensadong pamumuhay. Maraming produkto sa lalawigang ito gaya ng niyog, kape at iba pang mga de-kalidad na mga prutas. Maipagkakapuri ang mga kalikasang-pangturista gaya ng mga tanyag na beaches at scuba diving spots.
Nakapagtatakang sa dami na nang mga maimpluwensiyang opisyal na humawak ng matataas na posisyon sa gobyerno na mga Batangueño tulad nina President Jose Laurel, Sr., Sen. Claro Recto, Sen. Jose Diokno, Speaker Jose B. Laurel, Jr. at iba pa, e hindi ito umaasenso. Baka si Vi ang kailangan lalo at makakatulong niya bilang Vice Governor si Erwin Ermita na anak ni Executive Secretary Ed Ermita. Ala, e, sigehan mo nang sigehan, Ate Vi, nasa likod mo kami!