^

PSN Opinyon

Paninikil sa media kahit sa Maynila?

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
NAKATANGGAP po ako ng e-mail mula sa mga kapatid sa industriya ng media na pawang miyembro ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) at tunay na nakababahala ito.

Ayon sa mga opisyal ng MACHRA, nilooban ang kanilang opisina ng mga tauhan ni Manila Mayor Lito Atienza na pinamunuan ng isang Col. Roberto dela Rosa, hepe ng special operations group noong Enero.

Bukod kay Dela Rosa, tinukoy din nilang kasama sina Lt. Reynaldo Hernandez na team leader, Rey Gatchalian na hepe ng maintenance division at city administrator Dino Nable na nagnakaw umano ng mga office equipment na ginagamit ng mga kapatid ko sa hanapbuhay.

Ginawa umano ang panloloob na pinalabas na isang raid matapos tanggihan ng mga mamamahayag ang kautusan ni Analei Atienza, anak ni Mayor Atienza, na magsulat ng mga articles na paborable kay Ali Atienza.

Si Ali Atienza ang anak ni Mayor Atienza na siyang kandidato sa pagka-mayor ng Maynila sa darating na May election.

Sa ginawa ng mga tauhan ni Mayor sa kanilang opisina na matatagpuan sa tabi ng opisina ng vice mayor ay natagpuan na lang ng mga media men ang padlock sa kanilang opisina na wasak at pagkawala ng mga kagamitang personal gaya ng pera, laptop, digicam, telebisyon at computers.

Ang mga gamit na ito ay hindi pag-aari ng city hall bagama’t may ilang mga bagay dito na bigay o donasyon ng ilang mga kaibigan.

Sa kasalukuyan, may nakasampang kaso rito pero hanggang sa araw na ito ay usad-pagong ang nangyayari.

Sana maresolba agad ang kasong ito upang maipakita na ang Maynila ay hindi kagaya ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria na wala ring ginawa kung hindi patahimikin ang miyembro ng media na tumutuligsa sa kanilang mga katiwalian.

Ang pagpapatahimik sa kritiko ay sa pamamagitan ng permanenteng pagpapatahimik sa kanila sa pamamagitan ng pagpaslang sa kanila o di kaya’y pananakot sa paraan ng mga demandang walang kakuwenta-kuwenta.

Mga pangyayaring ganoon ang nagpapasama ng husto sa imahe ng siyudad at nakaaapekto rin sa sira ng pangalan ng bansa dahil sa kagalingan ng Malacañang na mailagay ang Pilipinas bilang pangalawa sa most dangerous place para sa mga media men.

Ang pinaka-dangerous place for media ay ang Iraq kung saan may civil war. Sabagay ano ba ang aasahan, pare-pareho siyempre ang style ng mga magkakakampi lalo na upang tiyaking walang negatibong balita ang lumabas laban sa mga katiwalian nila
* * *
Bagama’t magmumukhang commercial ito, kailangan kong purihin si Gerry Chua ng Eng Bee Tin Hopia na isa rin sa barangay chairman sa Binondo, Manila.

Linggo ho ng umaga ay nagkaroon ng medical mission sa kanyang lugar kung saan humigit-kumulang sa 4,000 mahirap nating mga kababayan ang binigyan niya ng free medical checkup at gamot.

Meron pang mga matitindi ang sakit na sinalo rin ng grupo ni Gerry — ang pagpapaopera sa mga pribadong ospital sa Maynila.

May libreng hopia at inumin pa ho ang mga pasyenteng kanilang natulungan o napag-ukulan ng pansin.

Bagama’t inamin ni Gerry na malaking gastos ito, inamin niya na okay lang ito dahil naniniwala siya na dapat siyang magpasalamat sa mga biyaya niyang tinatanggap sa pamamagitan ng pagtulong sa mga hikahos nating mga kababayan.
* * *
Kung anu-ano pa ang hinihirit na palusot ng Malacañang sa isyu ng political killings na napansin na rin ng United States.

Nagbago ang anyo ng pulitika sa Maynila ngayong pormal na inendorso na ni dating President Joseph "Erap" Estrada si Sen. Alfredo S. Lim at dating Presidential Adviser for Political Affairs Lito Banayo bilang opisyal na kandidato ng opposition sa pagka-mayor at vice mayor.

Asahang aangat ang ratings ng dalawa lalo na at malinaw sa mga surveys na sino man ang iendorso ni Erap at makakakuha nang malaking plus points na maaaring umabot sa halos 30% kontra sa kiss of death para sa sinumang matukoy na kakampi o kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria.

Bukod kay Erap, si Sen. Panfilo Lacson ay lumalabas ding may endorsement value ayon sa mga Manilenyo.

Epektibo nang naalis sa picture ngayon si Vice Mayor Danny Lacuna na balita ko ay iniiwan na ng kanyang mga kaalyado na isa-isang nakikipag-usap sa kampo ni Lim.

Ganoon din ang ilang kaalyado ni Ali Atienza, anak ni Mayor Lito Atienza at opisyal na kandidato ni Madam Senyora Donya Gloria sa pagka-mayor ng Maynila.

Sa huli kong balita, ultimo mga konsehal ni Atienza at Lacuna ay panay na ang lapit sa mga kilalang kaanib ni Lim at Banayo sa pag-asang bukas pa ang posibilidad na lumipat sila sa ngayo’y patuloy na umaangat na ticket.

Asahan ang mga major realignment sa Maynila sa mga susunod na araw na maaaring ikagulat ng mga Manilenyo. Huwag n’yo lang po akong tanungin dahil tikom po ang bibig natin pero bibigyan ko po kayo ng tip — ilan ho sa kanila ay biglang naaalala muli ang telepono ni Sen. Lim, Banayo, mga Lopezes at si dating Kongresista Harry Angping at ang kanyang grasyosyang maybahay at tunay na Kongresista ng ikatlong distrito ng Maynila na si Naida Angping.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e mail sa [email protected] o mag-text sa 09272654341.

vuukle comment

ALI ATIENZA

ATIENZA

MADAM SENYORA DONYA GLORIA

MAYNILA

MAYOR

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with