Nagbayad na rin si Ricardo Butaslac

SA sobrang dami ng krimen na kinasangkutan niya, nagbayad na rin sa wakas itong si Ricardo Butaslac, ang No. 1 most wanted criminal ng Marikina City. Si Butaslac kasi ay naibiyahe na ng Marikina City police sa National Bilibid Prisons (NBP) noong Biyernes kung saan i-serve niya ang 10 at 17 taon na sentensiya niya sa kasong carnapping at highway robbery. Tinitiyak ni Supt. Sotero Ramos Jr., ang hepe ng Marikina City police, na mabubulok na sa kulungan si Butaslac bunga sa mahigit isang dosena pang kasong robbery na naka-pending pa laban sa kanya sa iba’t ibang korte sa Metro Manila. Kung nabuhay man sa kasaganaan si Butaslac noong kainitan ng criminal activities niya, aba tiyak maiba ang takbo ng buhay niya sa likod ng rehas na bakal. Sa mga katropa niya at iba pang kriminal diyan, bakit kailangan pang maranasan n’yo ang sinapit ni Butaslac kung may panahon naman kayong magbago? Magbanat kayo ng buto, at hindi ya’ong ang mga pera’t salapi na pinaghirapan ng mga kababayan natin ay aagawin n’yo lang! Mahiya naman kayo!

Tubong Bicol itong si Butaslac. Nag-aral siya ng criminology at tumulak sa Metro Manila para makipagsapalaran. Subalit ng tumira siya sa Bgy. Parang, aba nalulong sa barkada itong si Butaslac hanggang sa maengganyo siyang pumasok sa krimen nga. Ilang beses ring nahuli itong si Butaslac. Kaya lang palagi siyang nakakalaya sa pamamagitan ng pagpiyansa. Halos lahat ng robbery sa mga jeepney, payroll at FX at taxi ay itong si Butaslac at tropa niya ang itinuturo ng mga biktima. Kaya ng maging hepe ng Marikina City police itong si Ramos noong nakaraang taon, aba gumawa siya ng Operation Plan (OPLAN) para bitagin si Bu taslac. Subalit natunugan ni Butaslac ang balak ni Ramos kaya’t lumipat siya at ang tropa niya ng operation sa Quezon City nga.

Kaya lang may kasabihan tayo na ang kasamaan ay may hangganan. At nangyari nga ’yan ng itong si Butaslac at ang kasamahan niya ay nakipagbarilan sa mga nagrespondeng elemento ng Quezon City Police District (QCPD) matapos nilang nakawan ang administration office ng Muños market noong nakaraang buwan. Tinamaan sa kanang hita si Butaslac kaya’t naaresto siya. Nabawi sa kanya ang kalibre .45 pistol.

For humanitarian reason, isinugod ng taga-QCPD si Butaslac sa Quezon City General Hospital para ipagamot. Gumamit si Butaslac ng alyas na Reynaldo Prane para hindi na maungkat pa ang kanyang mga dating kaso. Subalit bago makapagpiyansa si Butaslac, natunugan ni Ramos ang kinaroroonan niya kaya’t hayun SWAK siya sa kulungan. He-he-he! Nagbunga rin ang tiyaga ni Ramos, di ba mga suki?

Sa pagkakulong ni Butaslac, natugunan na ni Ramos ang lahat ng kahilingan ni MMDA chairman Bayani Fernando sa kanya. Si Fernando, na asawa ni Mayor Marides Fernando, at tinawag minsan itong si Ramos para ipagawa ang tatlong bagay. Ito nga ay ang pagkaaresto kina Butaslac, at Larry de la Cruz, ang hari ng pushers sa Marikina City at ang paghuli ng mga nakahubad sa kalye. Wala pang pitong buwan itong si Ramos sa puwesto niya eh natupad na ang lahat ng kahilingan ni chairman Fernando. Ganu’n pa man, ang alam ni Ramos hindi pa dapat siya magpahinga.

Show comments