Mag-iisang buwan nang nagsimula ang opisyal na pangangampanya ngunit hanggang ngayon puro kabulastugan ang mga naririnig nating mga pagpaparatang at mga siraan. May kampong nagmamalaki na ayon diumano sa isang survey, mas marami daw sa kanilang mga kandidato ang mananalo. Sabi naman ng kabila, mas organisado ang partido nila kung kaya dinudumog ang mga rallys at pa-miting nila ng nag-uumapaw na mga supporters.
Hindi lamang ito ang nakaiinis, masyadong mababaw at parang walang pinag-aralan kung magsiraan ang mga kalahok sa eleksyong ito. Pinapangalanang ASO at POSA ang mga kalaban nila. Pati ba naman mga animal na nananahimik ay binababoy pa nila. Hindi sa zoo o sa animal hospital magtatrabaho ang mga pipiliin kundi mga senador. Hindi sila binabastos at binabale-wala.
Bakit ba hindi ituloy ang planong debate ng mga kandidato? Sa ganitong paraan, masasaksihan ng ma mamayan ang pagkatao, karakter, kakayahan at kaalaman ng bawat kandidato lalo na’t idedetalye nila ang kanilang mga gagawin kapag nanalo sila bi-lang senador. Hindi katulad ngayon na karamihan sa kanila ay pa-cute lamang at pa-kanta-kanta o pasayaw-sayaw lamang ang ginagawa sa kampanya. Sabagay, may iba ngang nag- sasabi na mayroon silang programa sa education, sports at economy, at iba pa pero walang paliwanag kung papaano nila isasagawa ang mga ito.
Nasisiguro kong may iba pang paraan kung papaano maririnig ang mga plano ng mga kandidato subalit maganda na kung debate na lamang ang isagawa sapagkat talaga namang kasama na sa trabaho ng mga senador ang magdebate sa Senado, di po ba? Puwedeng Comelec na mismo ang opisyal na mag-organize ng debate sa tulong marahil ng ilang kilalang samahan na walang kinikilingan sa pulitika. Nasisiguro kong malaki ang maitutulong ng debatehang ito hindi lamang sa mga kandidato kundi sa mga bo-tante rin sapagkat makiki-lala nila kung sinu-sino ang kanilang mga pipiliing iboto.