Huwad na hustisya

Ang paksa ko ngayo’y tungkol sa hustisya

Na sa ating bansa ay parang kaiba;

Dito ang mayaman ligtas sa parusa

Nguni’t ang mahirap nababartolina!

Sa US at ibang bansa sa daigdig

Ang nagkakasala’y madaling iligpit;

Mga kaso roo’y agad nililitis

Lalo na’t mayama’t sala’y pandaigdig!

Pero sa bayan ko – bansang Pilipinas

Pumatay ng tao ay nakaliligtas;

Lalo na’t mapera ay ang taong pangahas!

Piring ng hustisya’y nadodoble agad!

Dito’y babanggitin ang kasong klasiko –

Yaong nagkasala oo nga at preso

Pero hanggang ngayon ang kanilang kaso

Wala pang desisyon – tapos na ang siglo!

At saka praktis nang ang isang criminal

Kunwari’y maysakit pasok sa ospital;

Kaya totoo nga yaong kasabihang

Ang "Justice delayed" ay "Justice denied"!

Mga abugado ay sobra ang galling

May salang kliyente’y pagdadahilanin;

Kunwari’y maysakit magulang na giliw

Papayag ang huwes siya’y padalawin!

Subali’t basahin mga pahayagan

Ganitong sistema’y di pinapayagan

Tulad nga sa US at sa ibang bayan

Ang "VIP treatment" di pinapayagan!

Kaya papanong ang bansa’y uunlad

Sa sistemang itong ang hustisya’y huwad?

Kung ang nagkasala ay taong mahirap

Iilan pang hearing siya’y kulong agad!

Nguni’t ang mayamang bayan ang inapi

At maraming milyon kanyang naisubi –

Kung nililitis man ay pakonti-konti

Saka sa eleksiyon pinasasali!

Show comments