Ayon sa Melo report, bagamat walang direktang ebidensiyang makapagtuturo sa military, nakakalap naman sila nang matitibay na ebidensiya na sangkot ang ilang sundalo sa pagpatay sa mga militanteng aktibista. At ang dahilan sa mga pagpatay sa mga hinihinalang makakaliwa: "kaaway sila ng estado". At ang nakakahiya, ayon pa rin sa Melo report hindi man lamang pinaiimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga nangyayaring pagpatay sa mga aktibista. Isa pang nakahihiyang natuklasan ng Melo Commission ay ang salitang "neutralize" bagamat hindi naman umano ibig sabihin nito na dapat "patayin" ang mga aktibista.
Bumisita sa bansa si Philip Alston ng UN para personal na alamin ang mga nangyayaring extrajudicial killings. Sinabi ni Alston na nagsisinungaling ang military sa mga nangyayaring pagpatay. Hiniling ni Alston kay President Arroyo na ilabas ang imbestigasyon ng Melo Commission. Na-pressure nga ang Arroyo administration at inilabas ang imbestigasyon.
Ayon sa grupong Karapatan, mahigit 800 aktibista ang napatay mula nang maupo si President Arroyo. Itinuturo rin naman ng mga militante ang "utak" sa mga pagpatay na si retired Lt. Gen. Jovito Palparan. Maraming napatay na aktibista sa Oriental Mindoro nang madestino roon si Palparan. Nang ilipat sa Central Luzon lalo pang naging sunud-sunod ang pagdukot at pagpatay sa mga aktibista. Itinanggi naman ni Palparan ang akusasyon. Wala siyang kasalanan sa mga pagpatay sa mga aktibista. Sabi rin naman ng AFP, hindi parehas si Alston sa kanyang mga ginawang imbestigasyon.
Nakakahiya ang nangyari na hindi muna inilabas ang report ng Melo Commission. Anong ibig sabihin nito? Para iiwas ang military sa kanilang mga nagawa? O maski si Mrs. Arroyo ay umiiwas sa isyu ng extrajudicial killings?