Subalit, kasama ako sa nagulat at nagtaka nang kahit si Mr. Alston ay pinagkaitan ng Malacañang ng kopya ng report ng "Melo Commission" na mismong si Gng. Arroyo ang bumuo upang imbestigahan ang tila wala nang katapusang serye ng mga pagpatay sa kanyang mga kritiko simula nang maupo siya sa kapangyarihan noong 2001.
Dagdag pa, umani ng puna ang delegasyon ni Mr. Alston sa hanay ng mga administration supporters sa kanilang akusasyon na "bias" at "nabola" ng mga "komunista" ang nasabing grupo. Nakatatawang nakaiinis sa ganang akin.
Kaya nga ang aking tanong: May itinatago ba ang rehimeng Arroyo? Bakit tila gusto pa yatang gawing "state secret" ang kabuuang ulat ng Melo Commission, hindi lang sa mga Pilipino, bagkus, kahit sa international community?
Sa aking opinyon, lalo lamang tumitibay ang hinala ng mga pamilya ng mga biktima ng pamamaslang at iba pang sektor ng ating lipunan na hindi seryoso at isa lamang malaking palabas ang umano’y "commitment" ng Malacañang sa pagtataguyod ng karapatang pantao.
Nalulungkot ako na tulad ng itinagong katotohanan hinggil sa tunay na resulta ng halalan noong 2004, tila hindi na rin malalaman ng sambayanan ang tunay na estado ng karapatang pantao sa bansa sa ipinapakitang kawalang sinseridad ng administrasyon sa isyung ito.