Buhay-maralita

Habang nagkakape sa loob ng bahay

Sa bintanang bukas ako’y napadungaw;

At kitang-kita ko may biglang nagdaan

Dalawang lalaking may dalang balutan!

Karga-karga nila ay sako ng bigas

Na sa aking tingin parehong mabigat;

Mga bakal, bote, plastik na mabigat

Kanilang dadalhin sa malayong junk shop!

Sa nangyaring iyo’y biglang nagunita -–

Buhay ng pamilyang dati’y maralita;

Ang pamilya namin noo’y walang-wala

Subali’t nagsikap para di kawawa!

Dalawang lalaki’y posibleng nabigo

Sa hangarin nilang sila’y magka-ginto;

Pagka’t di nag-aral, nagdroga’t nagbisyo

Kaya ang nakamit buhay na baligho!

Sunod na nagdaa’y matandang gusgusin

Tulak ay kariton -– lakad ay matulin;

Sa tapat ng bahay huminto pa mandin

Bunton ng basura kanyang binutingting!

Tinipong basura sa tapat ng bahay

Kanyang pinagmasda’t saka hinalukay;

Sa kanyang kariton inayos ang lagay:

Diyaryo, bakal, boteng kanyang natagpuan!

Kaya naisip ko’t tanong sa sarili

Bakit ang matanda ay buhay pulubi?

Nakuhang "por kilo" di naman marami

Gutom ng pamilya’y sapat bang pamawi?

Siguro kung siya’y hindi nagpabaya

Sagana ang buhay ng abang matanda;

Kaya sa kape ko’y pumatak ang luha

Habag ko sa kanya’y hindi nasawata!

Dalawang lalaki’t ang matandang ito

Ay di naiiba sa maraming tao;

Kung sila’y nagsikap para umasenso -

Katulad ko silang may kapeng barako!

Show comments