Kaya wala talaga sa lugar itong si Rep. Rodolfo Bacani ng 4th District ng Manila nang makialam siya sa problema diyan sa I’des O’Racca dahil patuloy pa ang legal battle ng kampo ng mga tenants at ang Rodil Enterprises Co. Inc. na wala nang legal personality noon pang July 2, 2003, ayon sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC). Ayon kay Teresita Furaque, 51, administrator at treasurer ng I’des O’Racca Tenants Association Inc., mula pa noong ’50’s ay umuukupa pa ang mga ninuno at malapit nilang pamilya sa 4-storey building. Nang magkaisip na itong si Furaque, halos P9,000 kada buwan na ang renta nila sa kanilang puwesto. Pero itong Rodil Enterprises pala ay nagrerenta ng buong building sa gobyerno at ang ibinabayad nila ay P12,000 lang kada buwan. Eh kung 30 silang tenants ng panahon na ’yaon, eh di maliwanag na ginigisa ng Rodil Enterprises ang gobyerno sa sarili nilang mantika, di ba mga suki? He-he-he! Kanya-kanyang gimik lang ’yan, di ba Tongressman… este Congressman Bacani, Sir?
Nagsimula ang sigalot sa pagitan ng mga tenants at Rodil Enterprises noong 1987 nang ipilit ng huli na taasan ng renta ng una sa halagang P50,000 kada buwan. Siyempre, pumalag ang mga tenants bunga ng sobrang taas ng sinisingil sa kanila samantalang mababa naman ang ibinabayad ng Rodil Enterprises sa gobyerno. Akala ng mga tenants, makakahinga na sila nang maluwag bunga ng desisyon ng Office of the President na ‘‘i-award sa kanilang association ang lease ng lote at building noong Feb. 8, 1994. Aba, siyempre, nag-apela ang Rodil Enterprises at nagpalitan ng sampa ng kaso ang magkabilang panig hanggang i-sustain ng Supreme Court ang decision ng Office of the President sa inilabas nitong desisyon noong May 15, at June 19, 1995 at Aug. 16 at Dec. 12, 1996. Subalit, hindi huminto ang Ro-dil sa pagkalampag sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at korte hanggang makakuha nga sila ng permit para i-renovate ang building. Ang sama lang ng loob ng mga tenants, renovation lang ang permit subalit binakuran ng Rodil Enterprises, sa tulong ni Bacani at 80 pulis ng MPD, ang building mula pa noong Lunes ng nakaraang linggo at nakulong ang milyon nilang mga paninda. Hanggang sa ngayon, may 15 pulis pa na nagbabantay para pigilan silang pumasok sa building, imbes na hanapin nila ang pumatay kay Chairman Bert Asayo alinsunod sa kautusan ni Mayor Atienza.
Ang masakit pa, ani Furaque, ay kung bakit tinutulungan ni Bacani at mga pulis ang Rodil Enterprises samantalang ang registration nito (No. 33809) ay na-revoke nga ng SEC noon pang 2003 bunga sa non-compliance ng mga requirements nito. He-he-he! Pakapalan lang ng mukha ’yan, di ba mga suki?
Abangan!