EDITORYAL — Batuhan na ng putik

KAHAPON nagsimula ang pangangampanya ng mga tatakbong senador na tatagal ng isang buwan. Pero bago pa man aktuwal na nagsimula ang campaign period, umariba na ang pagbabatuhan ng putik. Mas maraming putik na maibato sa kalaban, mas maganda para masira. Ganyan ang estilo ng election sa Pilipinas. Karamihan sa mga kandidato ay hindi ang kanilang plataporma ang inilalahad sa taumbayan kundi kung paano sisirain ang kalaban. Sa Pilipinas lamang marahil may ganito at tila nasasanay na ang mga Pilipino sa ganitong senaryo kapag election. Hindi na marahil mababago ang ganitong tanawin.

At ngayong maraming nakitang pagbabago sa eleksiyong darating, inaasahan nang mas mababaho pang putik ang pakakawalan ng magkakalaban. Nakagugulat ang mga pangyayari kung saan ang mga pulitikong nasa opposition ay lumipat sa tiket ng administration. Ngayon lamang nangyari na maraming opposition candidate ang lumipat sa kalabang partido. Mababanggit dito sina dating senador Tito Sotto at Tessie Aquino-Oreta. Maging si Sen. Edgardo Angara ay lumipat na rin sa kampo ni President Arroyo. Ang tatlong senador ay mga kilalang kadikit ni dating President Joseph Estrada. Sila ang mga tumutol sa pagbubukas ng envelope sa panahon ng impeachment trial noong January 2001.

Kung may lumipat sa administrasyon, mayroon din namang kaalyado si Mrs. Arroyo na lumipat sa opposition, sila ay sina Senators Kiko Pangilinan at Manuel Villar.

Maraming dahilan kung bakit lumipat ang mga pulitiko sa magkabilang partido. Sinabi ni Angara na lumipat siya sa administration dahil hindi na niya matiis ang "pagsaksak sa kanyang likod" ng mga kasamahan sa oposisyon. Binanggit niya si Sen. Panfilo Lacson na aniya’y naging dahilan ng pagkakahati-hati ng oposisyon noong 2004 presidential elections. At ayon pa kay Angara, maaaring mangyari muli ang pagkakahati-hati sa darating na May elections dahil kay Lacson. Sinabotahe umano ang kanilang kampanya noong 2004 nang iendorso ang kandidatura ni Fernando Poe Jr. At ngayon daw ay nakikita na naman niya ang mga taong sumabotahe noon. Nasa front seat pa raw ng senatorial ticket.

Kinukuwestiyon din naman at grabeng binabatikos ang paglipat nina Sotto at Oreta sa kampo ni President Arroyo. Lumipat daw ang dalawa dahil nilaglag ng oposisyon. Wala na raw mapuntahan kaya nilunok ang pride.

Umpisa ng kampanya at simula na rin ng pagsira sa kalaban. Matira ang matibay sa batuhan ng putik.

Show comments