Marangal at masikap ang masa

MARANGAL, masipag, masikap ang masang Pilipino. Lagi ko pong paniniwala iyan at never ako naniwala sa pinagsasabi ng mga taas noo at matatangos na ilong na nasa kapangyarihan na walang pag-asa ang masa dahil sila ay mga batugan, palaasa at punumpuno ng bisyo.

Noong linggo ho, kasama ng tunay na kongresista ng ikatlong distrito ng Maynila at super grasyosyang si Naida Angping at Dr. Perry Herrera na propesor sa MLQU ay personal kong nakita ito at diyan pa ho sa Parola.

Ang Parola para sa mga hindi nakaaalam ay nandiyan sa tabi ng Ilog Pasig at masasabi kong tunay na lugar ng mga hirap nating mga kababayan.

Dikit-dikit ho ang mga tahanan nilang super liit at mapapasok lamang sa mga iskinitang hindi lamang po makikitid kung hindi mapuputik pa dahil hindi man lamang ito napaayos ng pamahalaan. Marami sa mga iskinitang ito ay may umaapaw na mga kanal na nagdadala nang maraming sakit sa lugar. Ang mga kanal hong ito na bagama’t mababaw lamang ay naging sanhi na ng pagkalunod ng isang bata.

Dapat dito ay takpan man lamang ng grills pero bakit gagawin iyan ng gobyerno lalo na ng kasalukuyang administrasyon kilala naman iyang baluwarte ni dating President Joseph "Erap" Estrada.

Kailangan ding sementuhan ang mga super kitid na iskinita at ilawan man lamang ngunit bakit nila gagawin iyon, wala namang pakinabang sa kanila ang mga tao roon na ultimo ang mga boto ay ayaw ipagbili sa kanila.

Bulong ho sa akin kasi ng mga magigiting na mga kagawad sa naturang lugar at ang mga lolo at lola na nakausap ko na tuwing eleksyon, lalo na noong 2001 at 2004 ay tinatangkang bilhin ang mga boto nila.

Bagama’t may ilan ho na tinatanggap ang perang binibigay sa kanila, sa katapusan ay binoboto rin nila ang nasa puso nila.

Anyway, upang makausap ang mga taga riyan, nagpaiwan ako at personal kong sasabihin na super sipag ang mga kababayan natin sa naturang lugar.

Kahit ho linggo ay marami sa kanila ang patuloy na nagtatrabaho sa kani-kanilang tahanan. May gumagawa ng tsokolateng binebenta ng pira-piraso sa Divisoria at iba pang mga mataong lugar.

Dikit-dikit din ang mga tahanan kung saan nagbabalat sila ng sibuyas na dadalhin sa palengkeng malinis na at madali nang ibenta. Marami ho sa mga gumagawa nito ay nasanay na sa ganoong gawain at hindi na naiiyak pag nagbabalat ng sibuyas.

Ganundin ang mga nagbabalat ng bawang na nilalagay sa plastic ng paisa-isa.

Pakyaw ho ang bayad sa kanila diyan at malaki na ho ang kita nila kung aabot ng P200 kada araw. Sipag ng mga kababayan nating iyan na pagkain lamang at tulog na kapiraso ang break.

Iba naman ho gaya ng mga pedicab driver at iba pang mga trabaho ay kayod din kahit linggo. Wala ho silang tigil sa pagtatrabaho at pagsisikap dahil pangarap ng bawa’t isa sa atin ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.

Bagama’t gaya ng mga nakatira sa mga exclusive na subdivision ay meron ding mga may bisyo, mayorya ho ang masisipag at mararangal. Ilang buwan na ho akong sumasama sa mag-asawang Angping sa pag-iikot nila sa ikatlong distrito ng Maynila at walang katotohanan ang pinagsasabi nilang maraming mahihirap nating kababayan ang nakalabas ang palad at nanghihingi.

Kung meron man, ito ho ay dahil sa kakulangan ng perang pambili ng gamot at pambayad sa ospital na kasalanan naman ng kapabayaan ng gobyerno na maibigay ang pangunahing serbisyong ito.

Inuulit ko, ang mga mahihirap ho nating mga kababayan gaya ng mga nakatira sa Parola, sa San Nicolas, sa Tambunting, sa Blumentritt, sa tabi ng riles ng eren ay mararangal at masisikap.

Wala lamang ho silang oportunidad at iyan lamang ang tanging kasalanan nila.
* * *
Salamat nga pala sa mga naghanda ng pagkain namin diyan sa Parola. Hinainan ho kami ng kanin sa dahon ng saging at galunggong na super crispy at tilapiang inihaw. Sawsawan ho namin ay toyong may sili at lahat ho kami walang plato at kutsara tinidor. Kamayan style at agawan pa kaya wow, sarap ng kain ko.

Walang sosyalan blues at bangko naman ang upuan. Sa inyong lahat diyan sa Parola, maraming salamat at asahan n’yo babalik ako para muli kayong dadalawin.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments