Paggalang sa kagustuhan ni President Erap

MULING ipinakita ni President Joseph Estrada ang kanyang pagiging tunay na lider at ama ng bansa matapos niyang iatras ang kandidatura sa Senado ni San Juan Mayor JV Ejercito at ako.

Una ko nang sinabi noon pa na aking igagalang at nang buong pamilya Estrada, kung anuman ang kanyang maging kagustuhan pagdating sa aming political career.

At lalo pang tumaas ang aming paggalang sa kanya dahil sa halip na isaalang-alang ang kanyang personal na interes, mas pinili pa ni President Erap na itaas ang pagkakaisa hindi lamang ng oposisyon bagkus, ng buong sambayanang Pilipino na patuloy na naghihirap at pinahihirapan ng kasalukuyang rehimen.

Seryoso ang pagnanais ni President Erap na maibalik, una, ang rule of law sa ating pampulitikang sistema at ikalawa, ang pagtitiwalang muli ng ordinaryong mamamayan sa mga lider na umuugit sa ating pamahalaan kung kaya isinakripisyo niya kahit ang magandang political future ng mga taong malapit sa kanya.

Ang una, kawalan ng rule of law, ay mauugat sa ginawang pang-aagaw sa kanyang kapangyarihan noong EDSA Dos at ang ikalawa, ang kawalan ng tiwala ng taumbayan sa mga nasa kasalukuyang gobyerno, ay mauugat naman sa hindi na matapus-tapos na mga kasinungalingan, katiwalian at pang-aabusong nakikita nila sa mga lider ng kasalukuyang gobyerno.

Kaya nga ang aking panawagan, sana ay seryosong tugunan natin sa pamamagitan ng mahigpit na pagbabantay sa ating mga boto at paghahalal ng mga kandidatong may tunay na malasakit sa interes nating lahat, ang ginawang desisyon ni President Erap.

Mabuhay tayong lahat!
* * *
Mag-e-mail sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.ph o magpadala ng liham sa aking tanggapan sa Room 202, GSIS Bldg., Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City.

Show comments