Ang tawag diyan ay "hentai animé cartons" na produksyon ng bansang Japan. Pumalag dito kamakailan si Alliance of Volunteers Educators (AVE) party-list Rep. Amang Magsaysay. Bilang kinatawan ng education sector, sinabi niya na dapat kumilos ang pamahalaan upang mapigil ang pagpasok sa bansa ng mga pelikulang ito. Alam niyo naman na malamang kumalat pati mga pirated copies ng mga pelikulang iyan.
Nanawagan si Magsaysay sa MTRCB at Optical Media Board na magsanib ng lakas para mahadla- ngan ang pagpasok sa bansa ng mga malalaswang panooring ito. Ang problema kasi ay ang prodyuser ng mga panooring iyan. Alam nilang maglilimas sila ng limpak-limpak na pera sa kanilang bagong kalakal. Pero ang nakataya ay ang pagkawasak ng moralidad lalu na ng mga kabataan.
May katuwiran si Magsaysay. Bilang kinatawan ng education sector, obligasyon niya na pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan na balita ko’y patuloy na nahahaling sa "bagong usong" ito na lumalaganap sa maraming bansa sa Asia.
Lalong nakababahala na may mga Pilipino artists diumano na kasangkot sa paggawa ng mga animation na ito. Tapos, may mga Pinoy na voice talents na naglalapat ng boses at salita sa mga cartoon na ito.
Nanawagan din si Magsaysay sa Animation Council of the Philippines, Inc. (ACPI) na tanuran ang sariling hanay nito para mahadlangan ang partisipasyon ng mga Pilipino sa ganitong karumaldumal na kalaswaan.