Ang mga nangyayaring krimen marahil ang dahilan kaya inatasan ni President Arroyo ang PNP na bantayan at pangalagaan ang mga balota sa darating na May 14, 2007 elections. Nakikita niyang magiging madugo nga ang eleksiyon.
Magagawa ng PNP na mapanatili ang kaayusan at mapangalagaan ang balota kung magagawa nilang samsamin lahat ang mga illegal na baril. Ang pagkalat ng mga illegal na baril kung eleksiyon ang kinatatakutan ngayon. Tiyak na gagawin ng mga kandidato ang lahat ng paraan para sila manalo, kahit pa ito ay magbunga ng pagpapatayan.
Maraming baril ang ikakalat ng mga magkakalaban sa pulitika at gagamitin sa pagpatay sa kalaban at pananakot sa mga botante. Dadanak ang dugo at maraming iiyak dahil sa karahasan. Maraming mauulila dahil sa magulong eleksiyon.
Mga guro ang karaniwang nabibiktima sa panahon ng eleksiyon. Ang mga guro ang naatasang tumulong para magbilang ng boto. Nakasaad sa batas na kailangang ang mga guro ang magiging watcher.
Karaniwang napapatay ang mga guro sa pagdepensa sa mga balota. Mayroong binabaril na watchers at sa maniwala at sa hindi, hanggang ngayon ay nananatili pa rin silang nauuhaw sa hustisya. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila maghihintay sa inaasam na hustisya.
Isa sa mga naging biktima ng karahasan sa eleksiyon ay ang guro sa Batangas na si Mrs. Tatlonghari. Si Tatlonghari ay watchers sa eskuwelahan na pinagturuan. Siya ang inatasang magdala ng mga listahan ng tally. Hanggang sa agawin ng mga hindi kilalang lalaki ang ballot box. Matapang na pinrotektahan ni Mrs. Tatlonghari ang mga ballot boxes. Binaril siya at napatay.
Samsamin ang mga baril. Paigtingin ang gun ban. Ito lamang ang tanging paraan para maging matiwasay ang election sa bansang ito.