Conjugal na ari-arian

LABINGSIYAM na taon nang kasal sina John at Nita at may tatlong anak nang biglang magdesisyon ang lalaki na iwanan ang kanyang mag-iina. Ito ay dahil may ibang babae o kalaguyo si John – si Julie. Nagkaroon ng anak sina John at Julie –si Cecilia.

Sa tatlong taong pagsasama nina John at Julie, nakabili si John ng hulugang lote sa isang subdivision sa Quezon City. Nakasaad sa kasulatan ng bilihan ng lote ang civil status ni John bilang "married to Julie", ang kanyang kalaguyo. Sa loob ng 10 taon ay matiyahang hinulugan ni John ang lupa at patuloy ang pagsasama nila ni Julie. At bilang patunay ng pagmamahal niya rito, pinakasalan niya si Julie habang nananatiling may bisa ang kasal nila ni Nita. Nang matapos ang hulog sa lote ay binigyan ni John ng awtoridad ang nagbili sa kanya ng lote upang ilipat ang lote sa kanyang asawa na si Julie. Kaya, sa kasulatan ng bilihan at sa titulo ng lote, nakasaad ang mga katagang "Julie married to John."

Tumagal pa nang 21 taon ang pagsasama ng dalawa hanggang namatay si John. Makaraan ang tatlong taon, nagsagawa si Julie at ang anak na si Cecilia ng extrajudicial partition and sale ng lote kung saan may deskripsyon ito bilang conjugal nilang ari-arian ni John. Sa huli ay napunta ang pagmamay-ari ng lote kay Cecilia. Anim na taon ang lumipas bago natuklasan nina Nita at tatlong anak ang tungkol sa lote. Kaya, naghain sila ng reklamo upang bawiin ito mula kay Cecilia dahil sila raw ang mas may karapatan sa lote. Tama ba si Nita?

TAMA.
Sa kabila ng kasunduan nina John at nang nagbili sa kanya ng lote at sa 10 taong nakalipas matapos ang paghuhulog dito, iisa lamang ang magiging resulta: mananatiling conjugal na ari-arian ito nina John at ng kanyang legal na asawang si Nita. Sa ilalim ng bagong Kodigo Sibil ( Article 160) at lumang Kodigo Sibil ( Article 1407), isinasaad na ang lahat na ari-arian na saklaw ng kasal ay ipinapalagay na conjugal maliban na lamang kung mapapatunayang ito ay ekslusibong pag-aari ng asawang lalaki o babae. Ang palagay na ito ay mahirap na mapangibabawan.

Hindi maituturing si Julie na may-ari ng lote dahil lamang ang titulo ay nasa kanyang pangalan dahil ang malinaw na si John ang bumili nito. Bukod dito, kinilala ni Julie at ng kanyang anak ang pagmamay-ari ni John sa lote nang isagawa nila ang extrajudicial partition alinsunod sa pagbabahagi ng mga naiwang ari-arian ng yumaong si John (Belcodero vs. Court of Appeals, 227 SCRA 303).

Show comments