Hindi lamang ang GenSan ang niyanig ng pagsabog kundi pati na rin ang Cotabato City at ang Kidapawan. Sa GenSan lamang nagkaroon nang malaking casualties.
Kilala na ang dating MILF officer na utak ng pambobomba. Ito ay si "Usman Basit". Ayon sa mga awtoridad, sigurado silang si "Basit" ang utak dahil sa estilo ng wiring ng ginamit na bomba. Halos magkakapareho ang mga bombang ginamit sa tatlong lugar. Ang pambo- bomba ay ginawa isang araw bago idaos ang Asean Summit sa Cebu City.
Naniniwala ang military na nakikipagkutsa-bahan si "Basit" sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah (JI). Ang pambobomba ay ganti sa malawakang kampanya ng military sa Tawi-Tawi kung saan pitong miyembro ng Abu Sayyaf at JI ang napatay noong nakaraang linggo. Kabilang sa napatay ang aide ng Indonesian terrorist na si Dulmatin. Hindi pa natatagalan, sumabog ang balitang napatay ang Abu Sayyaf leader na si Khadaffy Janjalani at hinukay ang bangkay nito para isailalim sa DNA testing. Ganoon man, duda pa rin ang military kung kay Janjalani nga ang nahukay na bangkay.
Kung tukoy na ng military at pulisya ang may kagagawan sa GenSan bombing, hindi sila dapat tumigil para madakip na ang teroristang si "Usman Basit" at kanyang mga kasama. Hindi sila dapat makalampas sa bitag ng batas. Ang mga katulad nilang "uhaw sa dugo" ng kapwa ay hindi na dapat pinatatagal pa ang pagtatago. Suyurin ang mga lugar na maaaring pagtaguan ng grupo ni "Basit" at durugin sila. Sa ganitong paraan lamang makakukuha ng hustisya ang mga kawawang biktima.