Katulad na lamang ng ginawang paninisi ng mga tauhan ni Mrs. Arroyo kay President Erap sa kaso ni US Marine Lance Cpl. Daniel Smith. Ang buod ng posisyon ng Palasyo ay ito: Si Erap ang dapat sisihin dahil sa panahon niya nabuo at nalagdaan ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Napilitan akong magkumento sa bagay na ito dahil panahon na marahil upang magising ang mga nasa Malacañang sa katotohanan na sila na ang nasa poder ng kapangyarihan at hindi si Erap at bukod pa nga rin sa katotohanan na sa nakaraang anim na taon, walang ibang "punching bag" ang administrasyon kundi si Erap.
Sa isyu ng VFA, sino ba ang nagpapatupad nito, hindi ba ang mga kasalukuyang nasa kapangyarihan?
At kung ngayon na patuloy pa ring umaani ng batikos si Gng. Arroyo at kanyang mga tauhan dahil sa kontrobersyal na pag-aalis kay Smith sa kustodiya ng ating mga korte, kasalanan pa ba ito ni Erap? And for that matter, ng oposisyon?
Sanay baguhin na ng mga nasa Malacañang ang kanilang lihis na mga katwiran dahil sa aking tingin, lalo lamang silang kinakainisan ng taumbayan.