KUNG hindi naaprubahan ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong February 10, 1998, walang Daniel Smith at "Nicole" na ngayoy lumiligalig sa Pilipinas. Kaya kung mayroon mang nagtatawa ngayon, iyan ay walang iba kundi ang mga militanteng grupo na noon ay pinadugo ang kalsada bilang protesta sa pagdaraos ng "Balikatan" exercises na bahagi ng VFA. Kabi-kabila ang mga protesta noon bilang pagtutol sa isasagawang "Balikatan". Kinatatakutan na noon pa ang mga krimeng maaaaring magawa ng mga sundalong Kano na kasali sa war exercise. Dahil sa tindi ng mga protesta, kinailangan pang bombahin ng tubig ang mga rallyists para lamang mabuwag at hindi maipagpatuloy ang pagpoprotesta. Ang kinatatakutan noon ay nangyari na nga ngayon. Isang sundalong Kano ang nanggahasa ng Pinay. Nahatulan na ang Kano at kinulong na sa Makati jail pero nagdulot nang katakut-takot na kontrobersiya. Hindi mapakali ang US Embassy sa nakakulong na Kano. Taliwas daw ito sa kasunduan ng VFA na ang lahat nang mga sundalong makagagawa ng kasalanan ay dapat nasa custody ng US Embassy. Bago natapos ang 2006, habang nagpuputukan sa kalsada at nagsasaya ang mga Pinoy, "itinakas" si Smith mula Makati jail at dinala na sa US Embassy. Mananatili na roon si Smith at hindi na maaalis kahit kailan. Komportable na si Smith sa kanyang kinalalagyan ngayon kumpara sa Makati jail.
Ang kontrobersiyang ito ay umaani ng batikos sapagkat wala palang ibang dehado sa VFA kundi ang mga Pinoy mismo. Kung sa bawat magagawang kasalanan ng mga sundalong Kano ay ita-turned over sila sa custody ng US Embassy, nasaan ang katarungan dito. Nasaan ang hustisya sa ginawan ng kasalanan? Paano kung ang isang Kano ay hindi lamang pangre-rape ang ginawa kundi pumatay pa, ibig bang sabihin ay mananatili rin siya sa custody.
Noong nasa Clark at Subic bases pa ang mga Kano, marami na ring mga krimen na nangyari roon na ang itinuturong kasangkot ay mga Kano mismo. May mga batang binabaril habang namumulot ng scrap. Ginagawang target. May mga naireport ding ginahasang Pinay subalit nawala na.
At ngayong may VFA, narito pa rin ang pro- blema sa kanila. At tila mas matindi pa sapagkat, pabor sa kanila ang nakasaad sa kasunduan. Talo na noon ang mga Pinoy at pati pala hanggang ngayon. Hindi na dapat ituloy ang RP-US V(u)isiting Forces Agreement!