Kasalukuyang bini-verify ng military kung bangkay nga ni Janjalani ang nahukay sa isang jungle sa Patikul, Sulu noong Martes. Nadiskubre ang bangkay umano ni Janjalani nang apat na Abu Sayyaf bandits ang sumurender at itinuro ang pinaglibingan dito. Naaagnas na ang bangkay ni Janjalani na nakabalot sa puting kumot. Ang pinaglibingan kay Janjalani ay may dalawang kilometro ang layo mula sa lugar na pinangyarihan ng madugong engkuwentro noong September 4, 2006. Grabe umano ang tama sa lalamunan si Janjalani. Apat na sundalong marines naman ang napatay sa enkuwentrong iyon. Ayon pa sa military, dahil sa grabeng tama, kinakailangang buhatin si Janjalani ng mga kasamahan. At doon na nga siya sa lugar na iyon inabutan ng kamatayan at doon na inilibing. May nagsasabi namang hindi si Janjalani ang nahukay kundi ang Indonesian terrorist na si Omar Patek.
Sinabi ng military na kumuha na ng sample ng tissue sa katawan ni Janjalani at isasailalim sa DNA test para matiyak kung siya nga ang napatay na Abu Sayyaf leader. Sabi pa ng military, marami nang beses na napabalitang napatay si Janjalani subalit hindi pala at nakagawa pa nang mga pambobomba. Kailangan daw na masiguro muna nila bago magsagawa ng pahayag.
Kung si Janjalani nga ang napatay, dapat nang magbunyi ang mga kaanak ng nabiktima sapagkat nakakuha na sila ng hustisya. Matagal nang ninanais nang marami na mahuli o mapatay si Janjalani. Maraming pinatay ang leader na ito ng Abu Sayyaf. Wala silang awa at kahit na babae ay hindi nila pinatatawad. Isang babaing bihag ang kanilang pinatay at tinapyasan pa ng suso. Balewala sa kanila ang pamumugot ng ulo. Dalawang lalaking guro ang kanilang pinugutan ng ulo at ikinalat ang mga ito sa isang palengke sa Jolo. Sila rin ang pumugot sa ulo ng Amerikanong si Guillermo Sobero.
Sila ang kumidnap sa mag-asawang Martin at Gracia Burnhams sa Palawan noong May 2001. Napatay si Martin nang i-rescue ng military sa Basilan noong June 7, 2002. Nailigtas naman si Gracia.
Ubos Sayyaf na nga ba? Sana nga ay si Janjalani na ang napatay. Siguro ngay nagwakas na ang kanyang pamamayagpag.