Ang mga ahensiyang panghimpapawid din, nangangailangan ng sundot. Kailangan patas sa lahat ng airlines ang Civil Aeronautics Board. Ayusin sana ng Air Transport Office at Manila International Airport Authority ang serbisyo at pasilidad ng airports.
Bantayan din ang mga ahensiyang panlupa: Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Buti na lang at kinukumpleto na ang computerization sa LTO para bumilis ang pagrehistro. Ang kulang na lang ay higpit pa sa emission tests dahil naglipana ang "no show".
Sa LTFRB malala ang raket. Kinokotongan ng mga tiwaling opisyal ang mga aplikante ng prankisa: mga operator ng bus at pati maliliit na may-ari ng jeepney, taxi at mega. Mula sa pag-apply hanggang sa pag-release ng prankisa, sapin-sapin ang kailangang "ayusin" para pumirma.
Ang pinaka-malalang sanhi ng raket ay sa route measured capacity. Ito ang pag-determina kung kaya pang magdagdag ng bus sa isang partikular na ruta. Kung mahina ang aplikanteng operator, sasabihan siyang puno na ang ruta; pero kung malakas siya, siyempre may espasyo pa para sa mga bus niya. At ang pagiging malakas ay depende sa ihinahatag ng aplikante.
Palipat-lipat na sangay sa LTFRB ang humahawak ng route measured capacity. Ibinabalato raw ito sa sangay na pinaka-malakas ang loob mangikil para kay boss. Dapat tignan ito ng katatalaga pa lang na LTFRB chief na Thompson Lantion.