Pasko 2006

Pasko na, Pasko na tayo ay magsaya

Sumilang si Jesus ang Dakilang Ama;

Tayo ay magbihis — tayo ay magsimba

Pagka’t tumpak lamang na sambahin Siya!

Si Jesus ay Diyos at hari ng lahat

Sa isang sabsaban Siya’y inianak;

Sa isang palasyo’y doon Siya dapat

Ngunit minabuting isilang na hamak!

Ipinakita N’ya ay isang ehemplo

Na dapat tularan ng lahat ng tao;

Kahi’t ka na hari o mayamang tao

Ang magpakababa dapat na gawin mo!

Sa Kanyang pagsilang tayo ay natubos

Sa maramng salang sa ati’y gumapos;

May dakilang misyon Panginoong Diyos

Na walang kapantay sa buong sinukob!

Sino kayang tao ang makagagawa

Na ang kamataya’y hinarap na kusa

Upang tayong lahat matubos sa sala?

Siya’t tanging Siya at wala nang iba!

Anong kamatayan ang Kanyang hinarap?

Aba’y kamatayan walang kasing-hirap;

Mga paa’t kamay sa pako’y binutas

Pagka’t nakadipa sa krus na mabigat!

Nang Siya’y mamatay saan inilibing?

Sa loob ng k’weba na napakadilim;

Ito’y patotoong Siya ay Tao ring

Kung kaya namatay —- tayo ay buhayin!

Kung kaya ang Pasko ay dakilang araw

Na marapat lamang nating ipagdiwang;

Pagka’t araw itong tanging kaarawan

Ng Hari at Diyos ng sangkalupaan!

Kung wala ang Pasko’y paano na tayo?

Tayong nakalublob sa hirap at tukso?

Sino ang sa ati’y magsasakripisyo

Upang tayong lahat mabuhay sa mundo?

Show comments